QUEZON CITY, (PIA) -- Nilinaw ni DOH Undersecretary Dr. Maria Rosario Vergeire na walang katotohanan ang impormasyong bawal mag-donate ng dugo ang mga nakakapagbakuna laban sa COVID-19.
"Sa katunayan po, kahit sinong bakunado ng COVID-19 ay maaaring mag-donate ng dugo kahit na sila po ay walang sintomas", sabi ni USec Vergeire sa Malacanang Press Briefing noong Biyernes, Enero 28.
Dagdag pa rito, kung may sintomas naman ay maaari pa ring mag-donate ng dugo matapos ang pito hanggang labing-apat na araw pagkatapos gumaling o mawala na ang sintomas.
Sa ngayon, mayroon tayong kakulangan sa supply ng dugo sa ating mga blood centers kaya naman nananawagan ang DOH sa publiko na kung maaaring mag-donate ng dugo ang sinumang eligible para po sa mga nangangailangan nating kababayan.
Maliban sa makakatulong ang inyong dugo sa pagligtas ng buhay, marami ring benepisyo para sa nagdo-donate ng dugo katulad ng pagbaba ng risk of heart attack, pagtulong sa pagpapanatiling malusog ang inyong atay at nakakatulong din pong ma-improved ang cardiovascular health.
Sa nais mag-donate ng dugo, maaaring bisitahin ang https://tinyurl.com/DONATEBLOODPH para sa listahan ng mga blood donation centers.
Samantala, muling pinaalalahan ng gobyerno ang publiko na kumuha lamang ng impormasyon sa mga official accounts ng gobyerno at reputable and credible media organizations.
Maging maagap sa mga ipinapakalat na impormasyon dahil ang tamang impormasyon ay makakapagligtas ng buhay. (MCDS/PIA-IDPD)