LUNGSOD NG QUEZON -- Bilang isa sa mga paghahanda sa darating na 2022 National and Local Elections, nagsagawa ng media briefing ang Commission on Elections (COMELEC) noong Biyernes, 11 February 2022 sa PTV Studio 4, Quezon City na dinaluhan ng mga government media personnel.
Ibinahagi ni COMELEC Spokesperson Dir. James Jimenez ang overview ng magiging proseso ng pagboto sa darating na May 9 elections sa gitna ng umiiral na pandemya.
Binigyang-diin niya na mananatiling in-person ang pagboto at ipapatupad pa rin ang Automated Election System (AES) na gagamitan ng manual ballots katulad ng mga nakaraang eleksyon.
Paalala ni Dir. Jimenez na i-check ng mabuti ang ibibigay na balota bago bumoto. Kung sakali mang may makikitang problema ay agad na ipaalam sa Board of Election Inspector (BEI) upang mapalitan. Dahil kapag nakapagsimula na at nagkamali sa pagboto ay hindi na papayagang palitan ang balota.
Dagdag pa niya ay siguraduhing maiingatan ang balota at huwag susulatan ang mga parte lalo na ang mga security markings ng balota upang maiwasang ma-invalidate o hindi tanggapin ng Vote Counting Machines (VCM) ang balota. Gayundin, tandaan na ang oval na kailangang i-shade ay bago ang pangalan ng nais iboto. Siguraduhing hindi mag-overvote upang mabilang ang boto. Huwag ring kaliligtaan na bumoto ng Party-List na matatagpuan sa likurang bahagi ng balota.