No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Hakbang para sa Balili River rehab, puspusan

BAGUIO CITY (PIA) -- Patuloy na isinusulong ng Environmental Management Bureau - Cordillera Administrative Region (EMB-CAR) ang iba't ibang hakbang para sa rehabilitasyon ng Balili River.


Ayon kay EMB-CAR Regional Director Ma. Victoria Abrera, isa sa magandang hakbang ay ang plano ng pamahalaang lokal ng Baguio City na rehabilitasyon ng Sewerage Treatment Facility ng lungsod lalo na at kulang ang kapasidad nito sa ngayon.


Aminado ito na may ibang households pa rin na direktang nagtatapon ng kanilang discharge sa ilog na hindi dumadaan sa Sewerage Treatment Plant (STP). Sa katunayan aniya, pinakamalaking suliranin pa rin sa Balili River ay ang mataas na fecal coliform level dito.


Dahil diyan ay isinusulong din nila ang konstruksyon ng bagong STP ng lungsod at ang pagkakaroon ng sariling STP ng mga commercial establishments.


"We encourage the commercial (establishments) especially 'yung malalaki to have their own sewerage treatment facility, not to be anymore connected with Baguio, para hindi na sila makadagdag dun sa capacity and Baguio can focus their treatment dun sa ibang households," ani Abrera.


Ayon naman kay Wilhelmina Lagunilla, Supervising Environmental Management Specialist ng Ambient Section ng EMB-CAR, ang problema sa Balili River ay naitala sa Baguio side kung saan bagsak ito sa standard ng ahensiya. Sa La Trinidad naman, sinabi niya na bumabagsak ang fecal coliform sa tatlong stations nila partikular sa bahagi ng Km. 3, Barangay Balili, at sa Capitol area.


Gayunman, sinabi niya na sa bahagi ng Sablan ay maganda na ang river system kung saan, naroon ang dilution effect.


"If something could be done in Baguio City, then that's it, gaganda na po ang water quality ng Balili River," saad ni Lagunilla.

Ayon sa EMB-CAR, inaasahan namang magkakaroon ng STP ang bayan ng La Trinidad, partikular sa nasasakupan ng Benguet State University.


Naendorso na rin sa National Economic and Development Authority ang pagpapagawa ng tatlong eco park at flood control na bahagi pa rin ng rehabilitasyon ng Balili River.


Hinihikayat naman ng ahensiya ang publiko na makibahagi sa Synchronized Clean-up Drive na gaganapin sa March 25. (JDP/DEG-PIA CAR)

Balili River sa bahagi ng Km. 5, Balili, La Trinidad, Benguet.

About the Author

Jamie Joie Malingan

Regional Editor

CAR

Feedback / Comment

Get in touch