DAET, Camarines Norte (PIA) -- Mahigit 100 punong-kahoy na narra at mahogany ang naitanim water shed o pinagkukunang tubig ng mga residente ng Sitio Igang ng Barangay Batobalani sa bayan ng Paracale.
Sa pamamagitan ito ng isinagawang tree planting /growing ng mga kasundaluhan ng 902nd Infantry Brigade (902IBde) at 9th Infantry (SANDIGAN) Battalion (9IB) katuwang ang Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO), mga kawani ng SM City Daet, mga miyembro ng Youth for Peace Movement (YPM) Paracale Chapter at mga katutubong Manide na naninirahan malapit sa nasabing lugar.
Layunin ng aktibidad na mapangalagaan ang kapaligiran at madagdagan ng punong-kahoy ang itinalagang watershed dito.
Ayon kay Col Edmundo G Peralta INF (MNSA) PA, brigade commander ng 902IBde, ang kanilang pamunuan ay patuloy na sumusuporta upang mapangalagaan ang ating kapaligiran.
Aniya, katuwang ang pamahalaan kasama ang iba’t ibang organisasyon sa lipunan upang isulong ang kapakanan ng mga mamamayan sa pagtupad ng sinumpaang tungkulin ng may kagalingan at malasakit para sa bayan.
Ang pagtatanim ng mga punong-kahoy ay isang hakbangin din bilang tugon sa nagbabadyang hamon ng pagbabago ng klima na ating nararanasan sa kasalukuyan. (PIA5/Camarines Norte/ ulat mula sa 902nd Infantry,FIGHT and SERVE Brigade)