No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Malinis at ligtas na Benguet, itinataguyod sa Roadside Beautification Program

LA TRINIDAD, Benguet (PIA) -- Itinataguyod ng pamahalaang panlalawigan ng Benguet, sa pamamagitan ng Provincial Tourism Office, ang kalinisan, at kaligtasan ng mga bayan sa lalawigan sa pamamagitan ng Roadside Beautification Program.

Inilahad ni Provincial Tourism Operations Officer Eleazar Carias na sa pamamagitan ng naturang programa ay maisusulong din ang kahalagahan ng kalinisan ng kapaligiran.

"Ti pinaka-overall nga objective tayo ditoy program nga daytoy ket i-increase tayo jay perception iti munisipyo as being clean, safe, and welcoming thereby boosting the municipalities' tourism industry (Ang overall objective natin sa programang ito ay mapataas ang perception sa mga munisipyo as being clean, safe, and welcoming thereby boosting the municipalities' tourism industry)," saad ni Carias.

Paliwanag ng opisyal, pumili ang mga pamahalaang lokal ng parte ng munisipyo para sa roadside beautification kung saan, dapat ipakita nila kung ano ang pagkakakilanlan ng bayan.

Roadside beautification in Bakun, Benguet (Photo: Bakun Municipal Tourism Council)

"E-en-encourage tayo ti every municipality to clean and beautify their roadsides, by planting flowers, shrubs and other decorative plants. Jay beautification ket ma-picture kuma, ma-highlight na jay identity ti munisipyo (Hinihikayat natin ang bawat munisipyo na linisan at pagandahin ang kanilang roadsides sa pamamagitan ng pagtatanim ng bulaklak, palumpong, at ibang decorative plants. Sa beautification, ma-picture sana, ma-highlight ang identity ng munisipyo)," paliwanag ni Carias.

Aniya, ang aktibidad ay bilang pagsuporta rin sa Dengue Prevention and Control Program ng Department of Health.

"We also give emphasis on the clean-up drive along the roadsides to help eliminate the mosquito breeding areas and prevent the possible surge of dengue infection," sabi ni Carias.

Pagsuporta rin aniya ito sa Anti-Rabies Act kung saan, ipagbabawal ang mga pakalat-kalat na aso sa mga kalsada.

Ang Roadside Beautification Program ay isang kompetisyon kung saan, may naghihintay na cash prize sa mga mananalo. Lumahok dito ang mga bayan ng Atok, Bakun, Bokod, Buguias, Itogon, Kabayan, Kapangan, Kibungan, La Trinidad, Sablan, Tuba, at Tublay. Gaganapin ang awarding sa Hunyo kasabay ng Philippine Environment Month celebration.

Ang nabanggit na programa ay nagsimula bilang Clean, Green, and Bloom program na nabuo bilang suporta sa nilagdaang kasunduan ng ilang ahensiya para sa pagsasagawa ng Clean-Up drive sa Halsema Highway tuwing Biyernes ng bawat buwan. Noong 2013 ay nasama sa programa ang Benguet-Vizcaya Road.

Noong 2019 ay inirekomenda ng Provincial Tourism Office ang pagpapalawak pa sa programa upang maisama ang lahat ng bayan sa Benguet. Naglabas si Governor Melchor Diclas ng kautusan kung saan, ginawa ang programa na Benguet Roadside Beautification Program para sa lahat ng munisipyo. (JDP/DEG-PIA CAR)

About the Author

Jamie Joie Malingan

Regional Editor

CAR

Feedback / Comment

Get in touch