LUNGSOD NG DAGUPAN, Abr. 8 (PIA) - Nagpositibo sa red tide toxins ang bayan ng Bolinao sa Pangasinan.
Ito ay ayon sa Local Shellfish Advisory No. 1 ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na inilabas noong Abril 7.
Ayon kay BFAR Regional Director Rosario Segundina Gaerlan, sa isinagawang sampling at monitoring, umabot sa 249ugSTX/100g shellfish meat ang paralytic shellfish poison ang mga nakolektang shellfish sa mga coastal area sa bayan ng Bolinao.
Aniya ito ay mas mataas sa shellfish toxicity level regulatory limit na 60ugSTX/100g shellfish meat.
Ani Gaerlan, bawal muna sa ngayon magtinda, kumain, at mag-angkat ng anumang uri ng shellfish at alamang na mula sa apektadong bayan.
Dagdag pa nito na ang mga isda, pusit, alimango at hipon na mula sa coastal water ng Bolinao ay ligtas pa rin kainin ngunit dapat ang mga ito ay sariwa at nalinisan ng mabuti at ang laman loob tulad ng hasang ay naalis bago lutuin.
Kaugnay ng babala ukol sa red tide, nasa 35 sakong shellfish na galing sa bayan ng Bolinao at ibebenta sana sa Magsaysay Fish Market ang nasabat ng Dagupan City government law enforcers madaling araw ng Abril 8.
Ayon kay Rolly Dulay, ang agricultural technologist ng City Agriculture Office (CAO) at Jessie Doria, ang Bantay Ilog chief, kinumpiska nila ang mga shellfish dahil sa babala ng BFAR na tinamaan ng red tide ang karagatan ng Bolinao sa western Pangasinan na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan ng mga makakain ng mga ito.
Ang mga shellfsh na nakumpiska na itinapon na ay binubuo ng 26 na sako ng tahong, tatlong sako ng kalwit, at anim na sakong halaan. (JCR/AMB/EMSA, PIA Pangasinan)