BAYOMBONG, Nueva Vizcaya (PIA) - - Pagkatapos ng dalawang taong pananalasa ng Covid-19 Pandemic, muling isinagawa ng lalawigan ang taunang Grand ‘Ammungan’ Festival o pagtitipon-tipon ng mga Novo Vizcayanos.
Ang selebrasyon na mula May 24 hanggang 27 ay isinasagawa sa bayan ng Bayombong kung saan 15 bayan ang nagpakita ng kanilang iba’t-ibang produkto, kultura, at mga atraksiyon upang mahikayat muli ang mga turista na tangkilikin ang turismo sa lalawigan.
Ayon kay Provincial Tourism Supervising Officer Marichelle Costales, ang iba pang mga programa at aktibidades na masasaksihan at malalahukan sa buong selebrasyon ng ‘Ammungan’ Festival ay ang Travel and Tourism Expo, Musikahan Concert, Trade Fair, Art Exhibit, at Fun Bike, Ride.
Pinangunahan ni Governor Carlos Padilla at ang maybahay nitong si Nueva Vizcaya State University Officer-In-Charge Ruth Padilla ang opisyal na pagbubukas ng Grand Ammungan Festival kahapon.
Ang Grand Ammungan Festival ay selebrasyon sa ika-183rd Founding Anniversary ng lalawigan kung saan tampok dito ang iba’t-ibang kultura, tradisyon, at produkto ng mga indigenous peoples sa Nueva Vizcaya katulad ng mga Kalanguya, Ayangan, Ilongot, Iwak, Isinay, Gaddang, at iba pa. (JKC/BME/PIA NVizcaya)