Umaapila ang Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) - Benguet sa mga nagbabalak magsagawa ng anumang development na kumuha sila ng kaukulang papeles sa mga kinauukulang opisina ng pamahalaan.
Kasunod ito ng pagpapatigil ng Department of Environment and Natural Resources sa pamamagitan ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) - Buguias sa konstruksyon ng kalsada patungong Tacadang, Kibungan dahil sa ilang paglabag.
Ayon kay PENRO - Benguet head Edgardo Flor, nabigyan ng stoppage order ang kontraktor at ang Department of Public Works and Highways noon pang April 28, 2022 dahil sa kanilang bayolasyon.
"Number one sa violation nila, ang indiscriminate dumping of soil along opened road and isa pa is no identified (area para sa) dumping of the soil, dapat sana, meron. At ang cutting of pine trees without necessary permit. Mayroon pang medyo mabigat, ang destruction of portions ng mossy forest," ani Flor.
Aniya, mayroong Environmental Compliance Certificate ang patrabaho at naaprubahan ang tree cutting permit para sa 22 na iba't ibang kahoy kung saan, napalitan na rin umano ito ng 2,200 Benguet Pine Seedlings. Gayunman, lumalabas sa imbestigasyon ng opisina na aabot sa 50 fully grown pine trees ang pinutol bukod pa sa mga hindi naibilang na saplings.
Kabilang sa mga kasong posibleng isasampa sa kontratktor at sa DPWH ay ang paglabag sa Presidential Decree 705 o Forestry Reform Code of the Philippines, Clean Water Act dahil may mga naapektuhan ilog, at illegal dumping.
"While it is true na itong proyekto is for the community but still, we are bounded by existing laws, rules and regulations. Kumuha sana sila ng necessary permits on concerned government agencies. Mag-apply sana sila because hindi naman mahirap mag-apply. In fact, kung sa cutting, maaaring through CENRO level lang because it's a government project. Kaya ang advise ko sana, dapat i-coordinate nila sa proper agency particular sa DENR dahil kami ang mandated to protect and preserve," saad ni Flor.
Inamin ni Flor na sinimulan ng kontraktor at ng DPWH ang patrabaho na hindi nai-coordinate sa kanila.
Nilinaw naman ng opisyal na kung maka-comply sa requirements ang mga kinauukulan ay maaaring maipagpatuloy ang proyekto na para sa ikabubuti ng mga residente sa lugar.
Inaasahan namang magkakaroon ng technical conference ang DPWH, ang kontraktor, ang Environmental Management Bureau, at ang CENRO Buguias upang pag-usapan ang mga isyu at ang mga susunod na hakbang kaugnay sa nasabing proyekto. (DEG)