PHOTO By Martin Fernando Bernad Jr. of SARANGANI PROVINCIAL INFORMATION OFFICE
GENERAL SANTOS CITY (PIA) -- Pinasinayaan kamakailan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) XII at lokal na pamahalaan ng probinsya ng Sarangani ang checkpoint ng Anti-Environmental Crime Task Force ng DENR sa Barangay Maribulan, Alabel.
Ayon sa ulat ng Sarangani Provincial Information Office, gamit na ngayon ng task force bilang post or checkpoint ang ibinigay ni Sarangani Gov. Steve Chiongbian-Solon sa DENR na isang 20-footer container van na nagkakahalaga ng P170,000.
Pinangunahan nila DENR XII Regional Executive Director Atty. Felix Alicer at Assistant Provincial Administrator Engr. Gerald Faciol ang pasinaya sa pamamagitan ng isang ribbon-cutting ceremony noong May 30.
Ayon kay Alicer ang pagtatatag ng integrated checkpoint ay maituturing isang mahalagang "milestone" ng DENR.
Aniya hindi lamang mapabibilis ang pagproproseso ng mga permits bagkus mailalapit din ng tanggapan ang mga mahahalagang serbisyo sa mga parokyano o kliyente nito.
Ang naturang checkpoint ay magsisilbi ring bantay ng probinsya kontra sa mga lumalabag ng mga batas pangkalikasan katulad na lamang ng ilegal na transportasyon ng mga undocumented forest products, wildlife, at iba pa. (Harlem Jude Ferolino/PIA-SarGen)