
Ang mga opisyal ng Puerto Princesa City Agriculture Office, DA RFO MIMAROPA, at Project Zacchaeus Cooperative ang nanguna sa pagbubukas ng KADIWA Outlet na JuanaFresh noong Hunyo 7, 2022 na matatagpuan sa Abanico road, Brgy. San Pedro, Puerto Princesa City.(larawan mula sa DA RFO MIMAROPA)
PUERTO PRINCESA, PALAWAN, (PIA)—Nagbukas ng isang Kadiwa Outlet noong Hunyo 7, 2022 ang Project Zacchaeus Cooperative (PZC) sa pakikipagtulungan ng Puerto Princesa City Agriculture Office at Department of Agricultire (DA)-Mimaropa sa Abanico Road, Brgy. San Pedro, Puerto Princesa City.
Sa Facebook post ng Department of Agriculture Regional Field Office (DA RFO Mimaropa), pinangalanan ng PZC ang outlet na “JuanaFresh” bilang pagpupugay sa mga kababaihan na nagsusumikap para sa kinabukasan ng kanilang pamilya. Dahil ang mga kababaihang miyembro umano ng kooperatiba ang siyang mamamahala sa tindahan ng gulay.
Ayon kay DA-Mimaropa Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) Chief Dr. Celso Olido, sa pamamagitan ng ganitong programa ay mas mapapalapit ang tulong at suporta ng Kagawaran ng Pagsasaka at mas makakabili ang mga mamimili ng sariwa at abot-kayang presyo ng gulay.
Iginiit naman ni Puerto Princesa City Agriculturist Melissa Macasaet na ang kanilang tanggapan ay patuloy na sumusuporta sa Kadiwa program dahil malaki ang maitutulong nito sa mga magsasaka at sa bayan.
Kabilang sa mga mabibili dito sa murang halaga ay ang mga gulay tulad ng sitaw, ampalaya, kamatis, dahon ng sibuyas, repolyo, sili, patatas, talbos ng kamote, carrots at mga prutas gaya ng pakwan. (MCE/PIA MIMAROPA)