LUNGSOD NG BATANGAS (PIA)—Sumailalim sa search and rescue refresher training ang 30 pulis ng Batangas Police Provincial Office (BPPO) noong Hunyo 8-10.
Layon ng pagsasanay na magbalik-tanaw at ipaalala ang mga natatanging kaalaman na dapat matutunan ng mga kapulisan na may kaugnayan sa disaster risk reduction and management gayundin ang pagpaplano at pagtugon at pamamahala sa rescue operations.
Nagsilbing instructor si PLt. Adolfo Andrada sa naturang pagsasanay kung saan kabilang sa mga itinuro ang Mass Casualty Incident (MCI) System, Rescuers Survival Technique, Knot Tying at High Angle Rescue, Basic Life Support, Collapsed Structure Search and Rescue (CSCR), Boat handling and Life saving technique at Urban Navigation.
Ipinamalas ng 4th Maneuver Platoon ang kanilang natutunan sa pamamagitan ng isang demonstrasyon.
Hangad ng BPPO na maituro ng mga kalahok ang kanilang natutunan sa kanilang mga kasamahan upang madagdagan din ang kaalaman ng mga ito sa search and rescue. (Bhaby P. De Castro/PIA Batangas may ulat mula sa BPPO)