LUNGSOD NG LUCENA, Quezon- Inihayag ni Quezon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Melchor Avenilla sa Kapihan sa PIA Quezon na palalakasin ng lalawigan ang communication alert system sa lahat ng mga Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office upang maiwasan ang pagkakaroon ng malaking pinsala sa buhay ng mga tao at aria-arian.
Ayon kay Avenilla, inatasan na ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ni Quezon Governor Helen Tan na tutukan ang pagpapalakas ng communication system hanggang sa sulok ng barangay upang maiwasan ang malaking pinsala ng anumang kalamidad na maaaring dumating.
“Sinang-ayunan na rin po ni Governor Tan ang pagdaraos ng “Rescue Olympics” sa lahat ng MDRRMO sa lalawigan upang malaman ang kanilang kakayahan pagdating sa pag-responde sa anumang kalamidad o sakuna,” ayon kay Avenila.
Sinabi pa ni Avenilla na tuloy-tuloy ang implementasyon ng iba’t-ibang aktibidad hinggil sa pag-obserba sa “National Disaster Resilience Month” na siyang makakatulong upang mabigyan ng kahandaan ang publiko sa kalamidad.
“Magkakaroon po tayo ng motorcade at pagho-host ng flag raising sa kapitolyo ng Quezon at mga pagsasanay sa kahandaan sa kalamidad na kaugnay sa “National Disaster Resilience Month”.
Samantala, inihayag rin ni Avenilla na naglagay na rin sila ng flood sensor monitoring sa mga bayan ng General Nakar, Mauban at Lopez, Quezon at tsunami warning system sa mga bayan ng Burdeos, Jomalig at Panukulan, Quezon. (Ruel Orinday/PIA Quezon)