LUNGSOD QUEZON (PIA) -- Susuportahan ng Mababang Kapulungan ang paglalaan ng pondo sa pambansang badyet para sa rehabilitasyon at pagpapanumbalik ng mga pampublikong imprastraktura sa mga lalawigang naapektuhan ng magnitude 7 na lindol sa Northern Luzon nitong Huwebes, Hulyo 28, ayon kay Speaker Martin G. Romualdez.
Ito ang sinabi ni Romualdez nang makasama niya sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., Sen. Imee Marcos, at iba pang matataas na opisyal ng gobyerno sa pagbisita sa mga biktima ng lindol at mga komunidad na napinsala ng pagyanig sa Abra upang suriin ang kanilang sitwasyon.
Si Sen. Marcos ang nagmungkahi ng paglalaan ng mga pondo sa pagpapanumbalik at paglikha ng isang ahensya sa ilalim ng Tanggapan ng Pangulo na magbibigay-daan para sa agarang pagpapalalabas at paggamit ng pondo sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad.
"Mr. President, on the part of the House, we shall support the good senator’s proposal here owing to the fact that we've always been looking for best practices, and FEMA or even the AFAD in Turkey are great models for best practices for these protocols (Ginoong Pangulo, sa bahagi ng Kamara, susuportahan namin ang panukala ng butihing senador dito dahil sa katotohanan na palagi kaming naghahanap ng mga pinakamahusay na kasanayan, at ang FEMA o maging ang AFAD sa Turkey ay mahusay na mga modelo para sa mga pinakamahusay na kasanayan para sa mga protocol na ito),” ani Romualdez.
Ang tinutukoy ng Speaker ay ang Federal Emergency Management Authority ng Estados Unidos at ang Turkish counterpart nito.
“We shall also join the good senator from Ilocos Norte on her call to support the budgetary requirements. For the restoration of the heritage and cultural sites as well…as the various infrastructures in the situation report (Sasamahan din natin ang butihing senador mula sa Ilocos Norte sa kanyang panawagan na suportahan ang budgetary requirements. Para sa pagpapanumbalik ng heritage at cultural sites pati na rin ang iba't ibang imprastraktura na naiulat na napinsala)," aniya.
Sinabi ni Romualdez na isasagawa ito sa pakikipag-ugnayan sa mga kinatawan at lokal na opisyal ng mga apektadong lalawigan.
Humingi rin siya ng tulong para sa mga biktima ng lindol. Sinabi niya na ang gobyerno at pribadong sektor ay dapat na magsanib sa pagtulong sa mga biktima at pagsasaayos ng mga komunidad na napinsala.
Aniya, ang presensya ni Pangulong Marcos at mga opisyal ng gobyerno sa mga komunidad na nasalanta ng lindol ay nagpapagaan ng dalamhati ng mga tao.
Hinimok ng Speaker ang mga ahensya ng pamahalaan na may kaugnayan sa paglalaan ng mga pondo para sa mabilis na pagtugon sa kalamidad mula sa pambansang badyet na agarang tumulong sa mga biktima.
Sinabi niya na ang mga tanggapan na ito ay dapat na mabilis na pakilusin ang mga pondo upang maipamahagi ang mga relief goods, mga input ng sakahan tulad ng mga buto at pataba, magbigay ng tulong pinansyal, magsagawa ng pagkukumpuni ng kalsada, o ayusin ang mga nasirang gusali ng paaralan, health center, at iba pang pampublikong imprastraktura.
Hinimok din ni Romualdez ang kanyang mga kasamahan sa mga apektadong probinsya na gumawa ng sarili nilang damage assessment bilang paghahanda sa susunod na budget hearings. (PIA-NCR)