No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Worst case scenarios ng lindol sa Cordillera, inilatag

BAGUIO CITY (PIA) -- Inilatag ng Cordillera Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (CRDRRMC) ang mga worst case scenarios sakaling may gumalaw sa mga fault na nakapalibot sa rehiyon.
 
Batay sa Cordillera Regional Disaster Response Plan for Earthquake (CRDRPE) 2019, kapag gumalaw ang fault sa Kalinga ay posibleng tumama ang magnitude 6.7 na lindol. Posibleng maramdaman ang intensity VIII o lubhang mapaminsalang pagyanig sa Kalinga, sa timog na bahagi ng Cagayan at iba pang lugar sa Apayao.

(Source: CRDRRMC)
(Source: CRDRRMC)

Kapag gumalaw naman ang Bangui Fault ay posibleng yumanig ang magnitude 7.2 na lindol. Maaaring maramdaman ang intensity VIII sa malaking bahagi ng Apayao, Kanlurang Cagayan, at Silangan ng Kalinga.
 
Sa magnitude 8.0 1619 Cagayan Earthquake scenario, posibleng maramdaman ang intensity VIII sa Cagayan, Apayao, at Kalinga.
 
Sa magnitude 7.1 earthquake scenario sa Mountain Province, maaaring tumama ang intensity VIII sa Mountain Province, Ifugao, Benguet at Nueva Vizcaya.
 
Samantala, kapag gumalaw ang Tubao Fault, posibleng tumama ang magnitude 7.2 na lindol. Maaaring maramdaman ang intensity VIII sa La Union, Kanluran ng Benguet, at Silangan ng Pangasinan.

(Source: CRDRRMC)
(Source: CRDRRMC)
(Source: CRDRRMC)

Ayon kay DOST - PhiVolcs Associate Scientist Dr. Arturo Daag, hindi imposibleng maramdaman ang intensity VIII na lindol kapag ang lugar ay malapit sa gumalaw na fault.
 
"Kung gaano kahaba ang fault, mas malaki ang magnitude potential niya," paliwanag ng opisyal.
 
Gayunman, nilinaw ng CRDRRMC na ang CRDRPE 2019 ay galing sa simulation ng Rapid Earthquake Damage Assessment ng PhiVolcs.
 
"Patuloy ang ating reminders sa publiko na huwag po silang mag-panic sa mga lumalabas na report po na ito dahil unang-una, hindi po natin alam kung saan at kailan puwedeng tumama ang mga lindol na puwedeng makaapekto sa atin kaya dapat 'yung ating paghahanda ay araw-araw at tuloy-tuloy," paalala ni Office of Civil Defense - Cordillera (OCD-CAR) Planning Officer Ferdinand Tamulto.
 
Iginiit naman ni OCD-CAR Director at CRDRRMC chairperson Albert Mogol na kinakailangan ang madalas na pagsiyasat sa mga istruktura upang masiguro ang istabilidad ng mga ito sakaling magkaroon ng malalakas na lindol. Aniya, kinakailangan din ang seryosong pagpapatupad sa building code.
 
"Dapat ang mga local government units should be able to make early assessment of structures. Yearly assessment, it is a must particularly dito sa atin sa Baguio taking into consideration 'yung experience natin during the earthquake of July 1990," saad ni Mogol.
 
Ang CRDRPE 2019 ay naglalaman din ng mga strategic actions sa pagresponde sa mga earthquake-related incidents. Layunin nito na masiguro ang agaran, epektibo, at coordinated response ng RDRRMC sa pagpaparating ng tulong sa mga lugar na maaapektuhan ng pagyanig sa rehiyon.
 
Ayon kay Mogol, ang naturang plano ang nagsilbi ring gabay nila sa response operations na ipinatupad sa rehiyon kasunod ng pagtama ng magnitude 7 earthquake sa Northwestern Luzon nitong Hulyo 27, 2022.
 
Nabigyan ng kopya ng plano ang mga regional line agencies, at local DRRMCs mula sa lalawigan hanggang sa mga bayan ng Cordillera upang magabayan ang mga ito sakaling tumama ang malakas na lindol. (JDP/DEG-PIA CAR)

About the Author

Jamie Joie Malingan

Regional Editor

CAR

Feedback / Comment

Get in touch