No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

PhiVolcs, pinayuhan ang publiko na maghanda sa posible pang mga aftershocks

BAGUIO CITY (PIA) -- Muling pinaalalahanan ni DOST - PhiVolcs USec. Renato Solidum ang publiko na laging maging handa sa posibleng malalakas na aftershocks ng Magnitude 7 Northwestern Earthquake noong Hulyo 27, 2022.
 
Sa Laging Handa Public Briefing nitong Agosto 3, inihayag ng opisyal na bagama't nababawasan na ang mga naitatalang aftershocks sa ngayon, posibleng maramdaman ang paminsan-minsan na malalakas na aftershocks. Aniya, magnitude 5.1 ang pinakamalakas na aftershock na naitala.

"Ang kailangan nating paghandaan ay kung may mas matataas pang aftershocks na makapagdudulot ng Intensity VI, 'yun po ay delikado sa mga nasira na mga bahay at gusali kaya nga po ang marapat ay huwag munang gamitin until maayos o kaya ay maipagawa nang mabuti," ani Solidum.
 
Ipinaliwanag nito na ang mga nakitamg  bitak ng lupa sa mga kabundukan ng Abra ay itinuturing na landslide habang ang mga bitak na naitala sa patag na lugar gaya sa Ilocos Sur ay dahil sa lateral spreading. Dahil malambot ang mga mabuhangin at matubig na lugar, ang tubig at buhangin aniya, kapag lumindol ay kumikilos papunta sa iba't ibang lugar kaya bumubuka ang lupa.
 
Pinayuhan naman nito ang publiko na gamitin ang HazardHunterPH app upang malaman nila ang mga panganib na posibleng tumama sa kanilang lugar. Sa pamamagitan ng app, malalaman kung ang lugar ay prone sa seismic, volcanic, o hydrometeorologic hazards.
 

Si DOST - PhiVolcs USec. Renato Solidum

"Ang importante, siguro maging paalala sa ating mga kababayan na ang malalakas na paglindol tulad ng nangyari sa Abra ay puwedeng tumama sa anumang lugar sa Pilipinas kaya kailangang paghandaan ang mga malalakas na lindol," saad ni Solidum.
 
Ayon sa opisyal, maaari ring gamitin ng publiko ang kanilang How Safe is My House app. May 12 katanungan aniya na kinakailangang sagutin ng mga gagamit sa app at ito ang magiging batayan ng sagot kung masisira o hindi ang isang bahay kapag tumama ang isang malakas na lindol.
 
Layunin din ng app na mapataas ang kaalaman kaugnay sa tamang construction practices at standard design at mabigyang-diin ang kahalagahan ng structural integrity para sa ligtas na komunidad. (DEG)

The HazardHunterPH which is the country's one-stop shop for hazard assessment.
The How Safe is My House app which is a self-check for Earthquake Safety of Concrete Hollow Block Houses in the Philippines mobile application for Android users.

About the Author

Jamie Joie Malingan

Regional Editor

CAR

Feedback / Comment

Get in touch