PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Sa inilabas na listahan ng Department of Agriculture (DA)-Mimaropa kaugnay ng 2022 Young Farmers Challenge (YFC) Program nito, 23 na Palawenyo ang nakasama sa 49 na mga bagong outstanding agriprenuers ng rehiyon.
Ayon sa pabatid ng DA-Regional Field Office Mimaropa sa pamamagitan ng kanilang Facebook page account, mula sa halos daang lahok para sa nasabing program, 49 mga panukalang negosyo ang napili bilang YFC Provincial Awardees.
Ang mga YFC Provincial Awardees ng Palawan ay kinabibilangan ng anim na group projects, walong individual projects at tatlong individual projects din ang mula sa Puerto Princesa.
Para sa group project, ang mga ito ay sina Jerald John Tayobong at Jacob C. Magura ng Aborlan, para sa A Boar Land Leachon; Krysland Jann Domingo at Ephraim Jacob Domingo; Mark Josep M. Hidalgo at Charlie A. Barrion ng Narra para sa Baka Naman at Mr. Pe Melonionnaire; Alvin Aganta at Rosemarie Abrera ng Coron para sa Hakuna Matata Piggery; Angelica Jane Ordona at Mico Galapen ng El Nido para sa Balai-Pahulay Natures Farm at Bryan Cabanes at Michael O. Lagrosa ng Sofronio Espaňola para sa Yan’s Backyard Extention.
Para sa individual project, ang mga ito ay sina Jessa C. Astria, Jayson L. Tumlos, Xyrus Kim Escano at Erlyn Joy L. Olivar ng Aborlan; Maila G. Nacpil ng Bataraza; Jemuel S. Avellanoza ng Coron; Casimer Jan V. Delos Reyes ng Roxas at Jude Mark M. Mayang ng Taytay. Samantala, ang mula naman sa Puerto Princesa, ang mga ito ay sina Ven Mark Botin, Simon Thomas M. Gabinete at Laiza D. Alcibar na naghain ng magkakaibang mga panukalang negosyo.
Ayon pa sa pabatid ng DA-Mimaropa, ang mga bagong outstanding young agriprenuers ng rehiyon ay tatanggap ng P50,000 cash grant para sa individual project at P100,000 cash grant naman para sa group project bilang kanilang seed capital o panimulang puhanan sa kanilang agriventures.
Maliban sa cash grant ay aalalayan din ang mga ito ng DA sa kanilang business development, mga pagsasanay, coaching and mentoring sessions at market development opportunities.
Ang YFC ay isang programa ng DA sa ilalim ng Agribusiness at Marketing Assistance (AMAS) na nagbibigay tulong puhunan sa mga kabataang mahilig sa agrikultura. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)