No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Temporary Learning Spaces, itatayo sa mga lugar na naapektuhan ng M7.0 quake

BAGUIO CITY (PIA) -- Magtatayo ang Department of Education (DepEd) ng Temporary Learning Spaces (TLS) sa mga lugar na naapektuhan ng pagyanig lalo na sa lalawigan ng Abra.
 
Ayon kay DepEd spokesperson Atty. Michael Poa, ang TLS ay gawa sa light materials kung saan puwedeng temporaryong mag-aaral ang mga bata habang hindi pa naaayos ang mga school buildings na nasira bunsod ng lindol.
 
"If we can't deliver on time 'yung lahat ng TLS, we will consider also 'yung ating alternative deliver modes. Iba-iba 'yung case ng bawat paaralan so it's gonna be a case-to-case basis and we are assessing the situation po," ani Poa sa isang press briefing nitong Huwebes (August 4, 2022).

Si DepEd spokesperson Atty. Michael Poa (Photo: OPS)

Sinabi ng opisyal na nagre-realign na sila ng pondo para may magamit ang ahensiya sa quick interventions gaya ng TLS.
 
Nakikipag-ugnayan na rin sila sa mga barangay at pribadong sektor kung may maipahihiram ang mga ito na ispasyo na puwedeng pansamantalang gamitin bilang classroom.
 
Bukod sa mga learning spaces, ikinokonsidera rin ng kagawaran ang pagsasagawa ng blended at shifting class schedules upang masiguro na nasusunod pa rin ang mga health and safety protocols.
 
Binigyang-diin din ng DepEd na tuloy na tuloy ang pagbubukas ng klase sa mga pampublikong paaralan sa darating na Agosto 22.

"Two years na pong na-hamper 'yung pag-aaral at learning ng ating mga estudyante. Our goal is hindi na po natin ide-delay ang opening of classes para makapag-aral na po 'yung hindi nakapag-aral ng dalawang taon pero in consideration of their health and safety, we will explore 'yung other modes such as modular or kung puwede pong distance learning through internet, gagawin po natin," pahayag ni Poa.
 
Una nang nagtungo sa Abra sina DepEd Undersecretary for Field Operations Revsee Escobedo at Assistant Secretary Francis Cesar Bringas kasama ang iba pang kawani ng DepEd Central Office upang magsagawa ng assessment sa epekto ng lindol sa mga paaralan doon. Tiningnan din nila ang kalagayan ng mga mag-aaral at mga guro sa lalawigan.
 
Sa isinagawang exit conference nitong Miyerkules, kabilang sa mga napagkasunduan ang pakikipag-ugnayan ng DepEd sa Department of Public Works and Highways upang matalakay ang mga sirang idinulot ng pagyanig sa mga school buildings, ang paggamit ng school operational budget para sa mga agarang pangangailangan, at ang patuloy na pagbibigay ng psychological first aid sa mga guro, school personnel at learners. (JDP/DEG-PIA CAR)

Nagsagawa ng assessment ang mga kinatawan ng DepEd Central Office at DepEd-CAR sa ilang paaralang nasira sa Abra kasunod ng pagtama ng malakas na lindol nitong Hulyo 27, 2022. (Mga Larawan: SDO Abra)

About the Author

Jamie Joie Malingan

Regional Editor

CAR

Feedback / Comment

Get in touch