LUNGSOD QUEZON (PIA) -- Inalala ng Philippine Red Cross (PRC) si dating Pangulong Fidel V. Ramos (FVR) at ginunita ang kanyang humanitarian legacy at nagpaabot ng pakikiramay sa kanyang pamilya sa kanyang pagpanaw.
Ayon sa PRC, patuloy na sinuportahan ni dating Pangulong Ramos ang mga pagtugon sa kalamidad ng Red Cross, lalo na noong pumutok ang Mt. Pinatubo noong 1991 at sa Magnitude 7.8 na lindol na naganap noong 1990 sa Cabanatuan at Baguio.
Ayon kay PRC Chairperson Richard J. Gordon, si FVR ay hindi lamang isang bantog na sundalo kundi isang blood galloner din. Ang blood galloner ay isang taong nakapag donate ng hindi bababa sa isang galon ng dugo sa kanyang buong buhay.
Bilang isang sundalong nasa serbisyo, pinahahalagahan ni FVR ang halaga ng dugo sa panahon ng mga emerhensiya at naging regular na donor mula noong 1954.
Ayon kay Gordon si FVR ay tunay na tagapagtaguyod ng pag dodonate ng dugo at kung si FVR lamang daw ang masusunod, patuloy pa rin itong magbibigay ng dugo kahit ang kanyang edad ay lampas na sa itinakda sa mga donor ng dugo. Madalas aniya niyang biruin si FVR na kaniya nang ipalalagay ang dugo nito sa isang museo.
Nagkaroon ng pagkakataon noon si Gordon na ipagkaloob kay FVR ang Gold Humanitarian Service Cross Award para sa kanyang napaka halagang tulong at pagiging bukas-palad sa mga nangangailangan sa pamamagitan ng Red Cross.
"FVR may be gone, but his humanitarian spirit will forever live on not only as a memory but as an inspiration to future generations. (Maaaring wala na si FVR, ngunit ang kanyang makataong diwa ay mananatili magpakailanman hindi lamang bilang isang alaala kundi bilang isang inspirasyon sa mga susunod na henerasyon)," ani Gordon. (PRC/PIA-NCR)