
Si British Ambassador to the Philippines Her Majesty's Laure Beaufils habang kapanayam ng mga mamamahayag sa Puerto Princesa sa isang Media Briefing. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)
PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) - Bumisita sa lungsod si British Ambassador to the Philippines Her Majesty’s Laure Beaufils nitong Agosto 16 hanggang 17.
Ang kanyang pagbisita ay may kaugnayan sa isinagawang Pacific Partnership 2022 (PP22) kung saan kabahagi dito ang United Kingdom partikular sa humanitarian assistance and disaster preparedness.
Kasama rin sa kanyang pagbisita ang pakikipag-pulong sa mga matataas na opisyal ng Lalawigan ng Palawan at ng Lungsod ng Puerto Princesa, maging sa mga environmental organization.
Nagkaroon din ito ng Media Briefing sa mga mamamahayag sa lungsod kung saan sinabi nito na maliban sa PP22, isa pa sa kanyang layunin ay upang mas palakasin ang samahan, ugnayan at partnership ng United Kingdom at lalawigan ng Palawan pagdating sa environmental initiatives at climate change resiliency programs.
Binigyan diin nito na ang Pilipinas ay may sapat na mga batas at patakaran para matamo ang biodiversity conservation at climate change mitigation partikular na nabanggit nito ang mga batas laban sa illegal logging at illegal fishing na kailangan lamang aniya ay maipatupad ito ng husto.
Sinabi din nito na ang biodiversity conservation ay ang sentro ng ecotourism na isa sa mga pangunahing produkto ng lalawigan ng Palawan. Ang magandang kapaligiran ng mga pangunahing destinasyon sa Palawan tulad ng El Nido ay dapat ding panatilihin sa tulong ng pagpapatupad ng mga batas.
Nabanggit din nito ang paggamit ng renewable energy upang mabawasan ang epekto ng climate change. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)