No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Titulo, mga gamit pangsaka, ipinamahagi ng DAR sa Palawan

Titulo, gamit pangsaka, ipinamahagi ng DAR sa Palawan

(Mula sa kaliwa) Palawan First District Representative Edgardo Salvame, DAR Secretary Conrado Estrella III, Palawan Third District Representative Edward S. Hagedorn, DAR MIMAROPA Regional Director Atty. Marvin V. Bernal at ang isang Agragrian Reform Beneficiary. (Larawan ni Mike Escote, PIA Palawan)

PUERTO PRINCESA, Palawan, (PIA) -- Namahagi ng titulo ng lupa ang Department of Agrarian Reform (DAR) sa Lalawigan ng Palawan noong Agosto 18, 2022 at ito ay pinangunahan mismo ni DAR Secretary Conrado M. Estrella III.

Nasa 21 Transfer Certificate of Title (TCT) at 77 Certificate of Land Ownership Award (CLOA) o kabuuang 98 titulo ang naibigay sa mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARB) sa mga bayan ng Aborlan, Narra, Sofronio Española, Brooke’s Point, Taytay at Roxas.

Pinaalalahanan ni DAR Secretary Conrado M. Estrella III ang mga benepisyaryo na huwag agad ibenta ang mga lupa at hintayin ang ipinangakong suporta ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

“Pag isipan niyong mabuti, sana huwag ninyong kaagad-agad na ibenta ang lupa ninyo, hintayin ninyo dahil ang sabi ng ating mahal na pangulo, babaha ng support services para sa mga magsasaka upang umunlad ang buhay ng mga Agrarian Reform Beneficiaries” giit pa niya.

Maliban sa pamamahagi ng titulo ng lupa, namahagi rin ang DAR ng mga pananim at mga farm machinery kung saan tig-dadalawang unit ng hand tractor at kasangkapan na nagkakahalaga ng P246,000 ang natanggap ng Sitio Manaile ARBs and Farmers Association sa Brgy. Dumangueña, Narra, Magara ARBs Association sa Brgy. Magara, Roxas at Calabanog ARBs and Farm Association sa Brgy. Isumbo, Sofronio Española, Palawan.

Nakatanggap naman ng isang unit ng 4wd 35hp tractor na may halagang P990,000 ang Panitian Credit Cooperative sa Brgy. Panitian, Quezon, Palawan habang ang Sitio Communal Multi-Purpose Cooperative ay nakatanggap ng hauling truck na nagkakahalaga ng P1.6 milyon at ang Aborlan Rainbow Marketing Cooperative ay nabigyan ng Multi-Purpose Seeder na may fertilizer applicator na nagkakahalaga ng P299,500.

Samantala, isinagawa ang ceremonial launching sa P60 milyong halaga ng limang tulay sa ilalim ng programang Tulay ng Pangulo Para sa Kaunlarang Pang-Agraryo (TPKP). Kinabibilangan ito ng P9.4M Parasao Bridge sa Brgy. Apoc-apoc, Aborlan; P12.6M Abucayan Bridge sa Panitian, Sofronio Española; P11.2M Buyan Bridge sa New Cuyo, Roxas; P9.9M Minara Bridge sa Bgy. Minara, Roxas; at ang P16.6M Cagbanaba Bridge sa New Ibajay, El Nido.  (MCE/PIA MIMAROPA)

About the Author

Michael Escote

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch