LUNGSOD QUEZON (PIA) -- Inilatag ng Department of Finance (DOF) sa 19th Congress ang fiscal priority reforms bilang bahagi ng Medium Term Fiscal Framework (MTFF) ng administrasyong Marcos upang ibalik ang bansa sa patuloy na paglago ng ekonomiya.
"We will work for the passage of the remaining tax reform packages of the Duterte administration, along with other key policy measures that would help accelerate our [economic] recovery (Magsusumikap kami para sa pagpasa ng natitirang mga reporma sa buwis ng administrasyong Duterte, kasama ang iba pang mga pangunahing hakbang sa patakaran na makatutulong na mapabilis ang ating pagbawi [ekonomiya])," sabi ni Finance Secretary Benjamin Diokno sa dalawang magkasunod na organizational briefing sa Committees on Ways and Means ng Senado at Kongreso.
Ang DOF ay nagsusulong ng mga reporma sa real property valuation sa pamamagitan ng Real Property Valuation and Assessment Reform, isang priority bill ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Ang mga kaugnay pang mga panukalang batas ay nakabinbin pa sa Committees on Ways and Means ng parehong kamara ng Kongreso.
Sinabi ni Diokno na ang panukalang batas ay naglalayong palawakin ang tax base na ginagamit para sa property at property-related taxes ng pamahalaang nasyunal at lokal na pamahalaan at isulong ang pagbuo ng isang makatarungan, patas, at mahusay na real property valuation system.
“The measure mandates the adoption of internationally accepted real property valuation standards, rationalization of the process of valuation, and establishment of a single valuation base for taxation. The bill’s urgent enactment will assist the LGUs in optimizing revenue collections, which in turn, will promote genuine local autonomy (Ang panukala ay naglalayon sa paggamit ng real property valuation, rasyonalisasyon ng valuation process, at pagtatatag ng isang single valuation base sa pagbubuwis na nakabase sa internasyunal na pamantayan. Ang agarang pagsasabatas ng panukala ay tutulong sa mga lokal na pamahalaan sa pag-optimize ng mga koleksyon ng kita, na magsusulong ng tunay na lokal na awtonomiya),” ani Diokno.
Layunin din ng DOF na bawasan ang bilang ng mga rate ng buwis sa passive income at financial intermediaries sa pamamagitan ng Passive Income and Financial Intermediary Taxation (PIFITA) Bill.
“PIFITA is aimed at making the taxation of passive income, financial intermediaries, and financial transactions simpler, fairer, and more efficient (Ang PIFITA ay naglalayong gawing mas simple, patas, at mas mahusay ang pagbubuwis ng passive income, financial intermediaries, at financial transactions),” paliwanag pa ni Diokno.
Ang mga kaugnay na panukala ay dumaan sa unang pagdinig noong Miyerkules, 17 Agosto, sa House Committee on Ways and Means.
Iminumungkahi din ng DOF ang rasyonalisasyon ng Mining Fiscal Regime para dagdagan ang bahagi ng gobyerno sa pamamagitan ng pagpapataw ng single fiscal regime na naaangkop sa lahat ng kasunduan sa pagmimina. Nilalayon din ng iminungkahing batas na hikayatin ang full public disclosure sa mga extractive industry.
Ipinasa ng mababang kapulungan ang nasabing panukalang batas sa ikatlong pagbasa sa nakaraang Kongreso. Si Albay Second District Representative at House Committee on Ways and Means Chairperson Jose Ma. Clemente “Joey” Salceda ang muling naghain ang panukalang batas sa 19th Congress.
Nauna nang tinukoy ni Diokno ang industriya ng pagmimina bilang isang sektor na posibleng suportahan ang pangmatagalang paglago ng ekonomiya.
Samantala, nais ng DOF ang pagpataw ng Value Added Tax (VAT) sa mga digital goods at serbisyo upang i-lebel ang playing field sa pagitan ng tradisyunal at digital na negosyo.
"This bill clarifies that goods or properties including digital or electronic in nature, and services including those rendered electronically, are subject to VAT (Nililinaw ng panukalang batas na ito na ang mga kalakal o ari-arian kabilang na ang digital o electronic, at mga serbisyong nagawa sa elektroniko, ay dapat patawan ng VAT)," sabi ni Diokno.
Bilang bahagi ng climate mitigation efforts ng gobyerno, plano rin ng DOF na magpataw ng excise tax sa mga single-use plastic (SUP) bags.
"The bill proposes to impose a 20-peso excise tax per kilogram of single-use plastics removed from the place of production or released from the customs house (Ang panukalang batas na ito ay nagmumungkahing magpataw ng 20-peso excise tax kada kilo ng single-use plastics na inalis sa lugar ng produksyon o inilabas sa customs house)," ani Diokno.
Ang mga substitute bill para sa panukalang VAT sa digital goods at services at excise tax sa mga SUP bag ay inaprubahan ng House Committee on Ways and Means noong Miyerkules, 17 Agosto.
Sinusuportahan din ng DOF ang pagpasa ng Military and Uniformed Personnel Pension Reform Bill; ang Capital Market Development Bill; ang Livestock Development and Competitiveness Bill; at ang mga panukalang batas na nagmumungkahi ng amendments sa Land Bank at sa Philippine Crop Insurance Corporation Charter. (PIA-NCR)