DAET, Camarines Norte (PIA) – Paiigtingin ang pangangalaga sa karagatan o marine environment ng lalawigan ng Camarines Norte upang maproteksiyunan ang mga lamang dagat at sektor ng pangisdaan dito.
Kaugnay ito sa isinagawang pagpupulong ng Provincial Law Enforcement Coordinating Committee (PLECC) - Sub Committee on Fishing and Marine Environment Protection sa provincial office ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa bayan ng Mercedes.
Layon nito na muling mapalakas ng mga kaugnay na ahensiya ang pagpapatupad sa pangangalaga sa karagatan sa pangunguna ng BFAR sa pamumuno ni Provincial Fishery Officer Rolando P. Tiam bilang chairman ng PLECC ng Camarines Norte.
Ayon kay Chief Fishing Regulations Officer Ariel U. Pioquinto ng BFAR Regional Office V, ito ay upang magtulungan at tingnan ng mga member agencies ang law enforcement functions para pag-usapan kung ano ang mga proyekto at programa na maaaring ipatupad sa lalawigan.
Aniya, ito rin ang tamang lugar na pag-usapan at talakayin ng mga ahensiya ng pamahalaan na may kaugnayan sa marine environment upang maisaayos at mabigyan ng tamang proteksiyon at pangangalaga ang karagatan ng Camarines Norte.
Binigyang diin ni Pioquinto na mayroong mga existing regulations sa ibat-ibang uri ng pangisdaan, ito ay ipinapatupad ng BFAR sa pakikipagtulungan ng lahat ng ahensiya ng gobyerno sa nasyunal at lokal para maipatupad ang mga batas.
Mahigpit ang pagpapatupad sa ngayon partikular na ang pag-iisyu ng mga lisensiya sa mga fishing boat at sa mga operations na nangangailangan ng clearance at permit bago sila mag-umpisa dagdag pa ni Pioquinto.
Tinalakay sa pagpupulong ang mga usapin na may kaugnayan sa pagpapatupad ng RA 8550 susog sa RA 10654 o isang batas upang pigilan, hadlangan at alisin ang iligal, hindi naiulat at unregulated na pangingisda.
Pinag-usapin rin ang iba pang mga naaprubahang tuntunin at regulasyon ng mga batas sa pangisdaan at mga tungkulin ng mga kaugnay na ahensiya.
Ang PLECC Committee ay binubuo ng mga tanggapan ng pamahalaang nasyunal upang magkaroon ng koordinasyon ang bawat isa para gawin ang nararapat na programa at aksiyon na maproteksiyunan ang mga marine environment. (PIA5/ Camarines Norte)