
Naglaan ng pondo ang Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) sa Ambaguio, Nueva Vizcaya. Gagamitin ito para sa road development at construction ng tulay para sa mga katutubong magsasaka. Photo from NCIP FB Page
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya (PIA) - - Naglaan ng pondo ang Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) sa Ambaguio, Nueva Vizcaya.
Ayon kay NCIP Commissioner Simplicia Hagada, mahigit P135 million ang inilaan ng OPAPP upang mapondohan ang isasagawang Farm-to-Market Road kasama ang mga tulay sa Ambaguio.
Sinabi ni Hagada na ang pagpapagawa ng mga daan sa mga liblib na mga barangay sa Ambaguio ang susi upang matuldukan ang impluwensiya ng mga New People’s Army na humihikayat sa mga katutubong sumali sa kanilang hanay.
Dagdag ni Hagada na isa ito sa mga hiling ng mga katutubo ng Ambaguio upang isagawa nila ang trabahong agrikultura at madali nilang madala ang kanilang mga produkto sa mga pamilihan.
Ayon kay Hagada, ang pagsasagawa ng mga daan sa mga komunidad ng mga katutubo ay magbibigay ng magandang buhay sa kanila at maibasura ang pagsali sa hanay ng NPA.
Nagsagawa ng Ancestral Domain Visitation kamakailan ang NCIP sa barangay Camandag, isa sa mga komunidad na tinututukan ng adbokasya at programa ng lahat ng ahensiya ng pamahalaan sa ilalim ng National Task Force-End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Kasalukuyan din ang isinasagawang konsultasyon ng NCIP sa mga katutubo ng Nueva Vizcaya at Quirino upang mailatag ang karampatang plano at aksiyon upang matuldukan ang kahirapan na ginagamit ng mga NPA upang malinlang ang mga katutubo na sumali sa kanilang hanay.(OTB/BME/PIA NVizcaya)