No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

DOST Pagasa: Supertyphoon Henry, Gardo’t Habagat, paghandaan

LUNGSOD QUEZON (PIA) - Pinaghahanda ng DOST Pagasa ang mga kababayan sa Hilagang Luzon at Kanlurang Kabisayaan sa ulang ibabagsak ng Bagyong Henry, Tropical Depression (TD) Gardo at ng Habagat (Southwest Monsoon) sa mga susunod na araw.

Sa pagtaya ng DOST Pagasa, mahina hanggang katamtaman at kung minsan napakalakas na pag-ulan ang mararanasan sa Batanes at Babuyan Islands.

Sa pagitan ngayong araw at Sabado, inaasahang lalapit at posibleng magtagal ang Supertyphoon Henry sa dako ng Batanes dahil sa pasubsob o pa-timog-kanluran nitong direksyon.

Subalit hindi nakikita na ng DOST Pagasa na hahampas sa lupa ang mata ng Supertyphoon Henry habang nasa Philippine Area of Responsibility (PAR).

Iniulat ng DOST Pagasa na ang mata ng Supertyphoon Henry ay namataan kaninang ika-4 ng umaga sa layong 530 kilometro Silangan Hilagang Silangan ng Itbayat, Batanes.

Taglay nito ang lakas ng hangin na 185 kilometro kada oras malapit sa gitna at may pagbugso na 230 kilometro bawat oras sa bilis na 25 kilometro bawat oras pa-timog kanlurang direksyon.

Ang ganitong kalakas na bagyo ay nakakabunot ng puno, nakakasira ng pananim at mga ari-arian at nagiging sanhi ng baha at landslides.

Maaring rin makapagdulot ng manaka-nakang at kung minsan ay napakalakas na pag-ulan ang Supertyphoon Henry simula Biernes hanggang sa susunod na linggo sa kanlurang bahagi ng Luzon kabilang na rito ang  Ilocos Region, Cordillera Administrative Region (CAR), Zambales, Bataan at ilang bahagi ng Mimaropa’t Calabarzon.

Samantala ang TD Gardo ay inaasahang magiging Low Pressure Area (LPA) at maaring higupin ng Supertyphoon Henry sa mga susunod na oras.

Gayumpaman, dapat tandaan na ang LPA ay isa ring bagyo na makakadisgrasya.

Huling namataan ng DOST Pagasa ang TD Gardo sa layong mahigit sa 1,000 kilometro Silangan Hilagang Silangan ng Hilagang Luzon taglay ang lakas ng hangin na 55 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugso na hanggang 70 kilometro bawat oras at kumikilos sa bilis na 45 kilometro bawat oras pa-hilagang kanluran.

Mauulanan din sa mga lugar na maabot ng trough o ekstensyon ng TD Gardo na inaasahang mamamataan sa layong 775 kilometro Silangan-Hilaga-Silangan ng Itbayat, mamayang hapon.

Palalakasin at hahatakin din ng Supertyphoon Henry ang Habagat na siyang magpapaulan sa nalalabing bahagi ng Luzon, kasama ang National Capital Region, at kanlurang kabisayaan.

Posibleng magtaas ng babala ng bagyo o tropical cyclone wind signal sa Batanes.

Sa ngayon, pinaiiral ng DOST Pagasa ang gale warning (babala sa hanging hagunot o di-pangkaraniwang lakas ng hangin sa karagatan) sa karagatang saklaw ng Batanes, Cagayan at sa hilagang baybayin ng Ilocos Norte. 

Mapanganib sa mga mangingisda at mga papalaot gamit ang mga bangka at maliliit na sasakyang pandagat sa nasabing lugar dahil sa aabot sa halos dalawang palapag ng gusali o limang metro ang taas ng alon, ayon kay Weather Specialist Benison Estareja.

Samantala, ang nalalabing mga karagatan ng Luzon at Kabisayaan ay magiging maalon hanggan sa napakaalon na taas ay maaring umabot nang hanggang apat na metro.

Mula Sabado ng gabi hanggang Linggo, inaasahan ng DOST Pagasa na kikilos ang Supertyphoon Henry na pahilaga (palabas ng PAR) sa dako ng katimugan ng Ryukyu Island at East China Sea. (LP)


Ang Pagsusob ng Supertyphoon Henry. Ang High Pressure Area sa dako ng Tsina at Japan (nasa silangan ng bagyo) na nagtutulak sa Supertyphoon Henry papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR). Kapag may High Pressure Area, itinataboy nito ang mga pinagagalingan ng mga bagyo gaya ng LPA. Sa press conference ng DOST Pagasa nitong Miyerkules, ipinaliwanag ni Weather Specialist Raymund Ordinario (sa larawan) na maaring magkaroon ng mataas na babala ng bagyo kapag sumubsob nang sumubsob ang Supertyphoon Henry papalapit sa kalupaan ng dulong hilagang Luzon. Ang problema sa nagbababad na bagyo, mas may pagkakataong itong makapaminsala sa isang lugar. (Hango sa virtual press conference ng DOST Pagasa nitong Miyerkules ang larawan sa ibabaw at sa kanan sa itaas)

About the Author

Lyndon Plantilla

Writer

Central Office

Feedback / Comment

Get in touch