No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

NCIP at OceanaGold, magbibigay ng scholarship sa mga katutubo ng NV at Quirino

BAYOMBONG, Nueva Vizcaya (PIA) - - Magbibigay ng scholarship slots ang OceanaGold Philippines, Inc. (OGPI)  sa mga katutubong kabataan na nagnanais mag-aral sa kolehiyo mula sa probinsiya ng Nueva Vizcaya at Quirino.

Ayon kay Atty. Joan Cattiling, ang presidente at general manager for external affairs & social performance, patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) upang maipatupad ang nasabing partnership program sa dalawang lalawigan.

Ayon kay Cattiling, nakatakdang pipirma sa isang Memorandum of Agreement o MOA ang OGPI at NCIP sa mga susunod na linggo upang maipatupad ang nasabing scholarship program para sa mga katutubong kabataan sa Nueva Vizcaya at Quirino.

Dagdag pa ni Cattiling na isa sa mga tagumpay nilang proyekto, katuwang ang mga sakop nilang komunidad sa Nueva Vizcaya ang nagawang mahigit 144 kilometrong daan na ginagamit ngayon ng mga katutubo.

Ang OGPI ay nagsasagawa ng gold at copper mining sa barangay Didipio sa bayan ng Kasibu sa Nueva Vizcaya.

Ipinahayag ni Cattiling ang nasabing programa sa isinagawang IP Congress kamakailan sa Nueva Vizcaya Convention Center sa bayan ng Bayombong na pinangunahan ng NCIP.

Layunin ng IP Congress na bigyan ng solusyon ang mga problemang hinaharap at pangangailangan ng mga IP sa pamamagitan ng iba’t-ibang programa at serbisyo ng mga pampubliko at pribadong ahensiya.

Ang nasabing IP Congress ay dinaluhan ni NCIP Chairman Allen Capuyan. (MDCT/BME/PIA Nueva Vizcaya)

About the Author

Benjamin Moses Ebreo

Information Officer III

Region 2

Feedback / Comment

Get in touch