No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Ano ang halaga ng pagpunta sa Indonesia ni Pangulong Marcos Jr

Kuha mula sa Office of the Presidential Spokesperson

LUNGSOD QUEZON (PIA) -- Umalis ng bansa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr nitong Linggo, 04 Setyembre, patungong Indonesia para sa isang “State Visit."

Sa pagdalaw na ito ng Pangulo sa Indonesia, kasama ang Unang Ginang Louise Araneta Marcos at mga miyembro ng Gabinete at opisyal ng pamahalaan, maraming bagong kasunduan ang nilagdaan sa pagitan ng Pilipinas at ng Indonesia.

Hindi bababa sa apat na kasunduan sa larangan ng depensa, kooperasyong pangkultura, at ekonomiya ang opisyal na nilagdaan, pagkatapos ng bilateral meeting sa pagitan ni Pangulong Marcos at Pangulong Joko Widodo ng Indonesia na ginanap sa Teratai Hall ng Bogor Presidential Palace sa West Java, Indonesia.

Ang unang deal na ipinakita ay ang plano ng aksyon sa pagitan ng Indonesia at Pilipinas mula 2022 hanggang 2027.

Ito ay komprehensibong dokumento na nagbabalangkas ng mga bilateral na programa at mga pangako para sa susunod na limang taon sa isang malawak na hanay ng mga usapin ng pagtutulungan tulad ng seguridad, depensa, pamamahala sa hangganan (border management), kontra-terorismo, ekonomiya, enerhiya, maritime, kultura, edukasyon, paggawa, kalusugan, at mga usapin sa konsulado, at iba pa.

Nilagdaan din ang isang memorandum of understanding sa para sa kooperasyong kultural na magpapahusay sa kultura at “people-to-people exchange” sa pagitan ng Pilipinas at Indonesia at magsusulong ng mas mahusay na pag-unawa at pagpapahalaga sa mga kahanga-hangang kultura ng dalawang bansa.

Samantala, ang Ministro ng Depensa na si Prabowo Subianto at Department of Defense Undersecretary at Officer-in-Charge Jose Faustino Jr ay naghain ng kasunduan sa mga aktibidad at kooperasyon sa larangan ng depensa at seguridad.

Ito’y magpapalago pa sa kolaborasyon sa pagitan ng mga ahensyang pangdepensa ng bansa at mas lalo pang magsusulong ng mga kasunduan ng pagtutulungan at mga aktibidad na magpapalakas pa sa patuloy na modernisasyon ng sandatahang lakas ng Pilipinas.

Nilagdaan din ang Memorandum of Understanding for Cooperation in the Development and Promotion of the Creative Economy sa pagitan nila Minister of Tourism and Creative Economy Sandiaga Uno at DTI Secretary Alfredo Pascual.

Ito ay isang bagong larangan ng pakikipagtulungan sa paglinang ng isang pangkaraniwang malikhaing ekonomiya na tutungo sa inobasyon, sa pamamagitan ng kaalaman, paglipat sa mga industriya, kabilang na ang fashion, arkitektura, digital media, performing arts, musika, teatro, sayaw at mga malikhaing serbisyo.

Ang pagbisita ni Pangulong Marcos sa Indonesia ang pinakauna niyang State visit sa kanyang panunungkulan.

Ano ang benepisyo ng mga mamamayan sa mga napagkasunduang ito?

Sa mga kasunduang ito, mas magpapalawak pa ang kooperasyon ng dalawang bansa na magdudulot ng mas maraming trabaho para sa mga mamamayan, malayang kalakalan para sa mga negosyante, mga pamumuhunan o investment, dagdag kaalaman sa iba’t ibang larangan, pagbabahagi ng mga “good practices”, malayang palitan ng kaalaman at kagamitang pangdepensa, malayang palitan ng mga manggagawa, pagpapalitan ng kaalaman sa tradisyon at kultura, at higit sa lahat, magdudulot ng kooperasyon sa paglago ng ekonomiya ng bansa. (PIA-NCR)

About the Author

Alice Sicat

Information Officer IV

NCR

Assistant Regional Director of PIA-NCR

Feedback / Comment

Get in touch