LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Nananawagan ang Department of Health (DOH) at Ministry of Health ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MOH-BARMM) sa mga residente ng rehiyon partikular na sa mga naninirahan sa mga lugar na kabilang sa Special Geographic Area (SGA) na magpa-booster shot kontra coronavirus disease 2019 o COVID-19.
Ito ay kasabay ng pagsisimula ng Special Vaccination Days (SVD) na isinasagawa sa 63 na mga barangay sa mga bayan ng Pigcawayan, Midsayap, Aleosan, Pikit, Carmen, at Kabacan na kabilang sa SGA.
Ayon kay MOH officer-in-charge minister Dr. Zul Qarneyn Abas, ang dalawang doses na bakuna kontra COVID-19 ay hindi sapat. Aniya, kinakailangan ang booster upang mas mapalakas pa ang resistensya ng katawan.
Dagdag pa ni Abas, ang SVD ay bahagi ng PinasLakas Booster Campaign, isang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang mas mapaigting pa ang pagpapabakuna kontra COVID-19 sa bansa.
Samantala, hinikayat naman ni Eman Potia, 33 taong gulang mula sa Barangay Kadigasan sa bayan ng Midsayap, ang kanyang kapwa mga residente na magpa-booster upang maprotektahan ang kani-kanilang mga sarili at pamilya sa naturang sakit. (With reports from BIO-BARMM).