Kasama rin sa mga lumagda bilang saksi sina Atem Ramsundersingh, CEO at Board of Director ng WEnergy Global, at PALECO Officer-In-Charge Neriza S. Regal. Samantala, naging panauhin din dito si Gobernador Victorino Dennis M. Socrates.
Ang isang QTP Service Contract ay inaasahang makapagbibigay ng malinis, maaasahan at abot-kayang kuryente sa humigi’t-kumulang 30,000 na Palawenyo sa pamamagitan ng mga microgrid.
Ang microgrid ay isang independent energy system na maaring magpailaw sa isang partikular na area sa pamamagitan ng pag-generate ng kuryente mula sa iba’t-ibang uri ng pinanggagalingan ng enerhiya tulad ng traditional sources, o iyong mula sa coal, oil at natural gas, o mula sa renewable source tulad ng araw (solar energy), hangin (wind energy), tubig (hydropower) at marami pang iba.
Ayon sa pamunuan ng PALECO, nanalo ang Maharlika Consortium sa isinagawang competitive selection process na pinahintulutan ng Department of Energy (DOE) at National Electrification Administration (NEA) noong Marso 2021 na siya namang isinagawa ng Bids and Awards Committee ng PALECO mula noong Nobyembre 2021.
Para sa proyektong ito, ang Maharlika Consortium ay muling gagamitin ang teknolohiya ng WEnergy Global na nakapagbibigay na ng kuryente sa mga tahanan at negosyo sa Bgy. Cabayugan.
Kabilang sa magiging QTP service area ay ang Bgy. Tomas at Bohol sa Munisipyo ng Dumaran, Bgy. Sarong at Taratak sa Munisipyo ng Bataraza, Bgy. Calatagbak sa munisipyo ng Quezon, Bgy. Taburi, Canipaan at Latud sa munisipyo ng Rizal, Bgy. Alacalian, Bantulan at Salinga sa Munisipyo ng Taytay, Bgy. Caruray at Binga sa Munisipyo ng San Vicente at Bgy. Bebeladan sa Munisipyo ng El Nido.
Humigi’t kumulang 7,100 tahanan at 300 na maliit na negosyo ang mapaiilawan sa pamamagitan ng 16 na microgrids na ilalagay sa 14 na nabanggit na mga barangay sa loob ng pitong munisipyo na kabilang sa franchise area ng PALECO. (OCJ/PIA-MIMAROPA,Palawan)