No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Gov’t services inilapit sa liblib, mahihirap na barangay sa Ligao Albay

LEGAZPI CITY, ALBAY (PIA) – Kung dati ay takot at pangamba ang nararamdaman ng mga residente sa Barangay Francia at San Vicente sa Ligao City, Albay, ngayon ay malaya at masaya na silang nakikibahagi sa mga aktibidad at programa ng pamahalaan. Isa na rito ang isinagawang serbisyo caravan nitong Setyembre 8.

“Ngayon lang ito dumating sa amin. Nagpapasalamat kami na nagbigay kayo ng magandang serbisyo,” pahayag ni Romero Palcon, San Vicente brgy. captain.

Ang mga barangay na ito ay kasama sa mga liblilb at mahihirap na barangay sa Albay na napalaya sa impluwensya ng mga rebeldeng grupo dahil sa mas pinaigting ng End Local Communist Armed Conflict (ELCAC) program.

Kasama ang Philippine Information Agency -Albay sa mga ahensiya ng pamahalaan na naghatid ng serbisyo sa mahigit 200 na residente ng barangay San Vicente at Francia sa Ligao City. Dalawa lamang ito sa mga malalayo at mahihirap na barangay sa Albay na napalaya sa impluwensya ng mga rebeldeng grupo dahil sa pinaigting ng End Local Communist Armed Conflict (ELCAC) program.

Mahigit 200 na residente ng barangay Francia at San Vicente sa Ligao City ang nakinabang sa iba’t-ibang serbisyo ng mga ahensiya ng pamahalaan kasama na ang Philippine Information Agency.

Kabilang dito ang tulong medikal tulad ng libreng check-up, dental, gamot, at vaccination; gayundin ang serbisyo sa larangan ng impormasyon, agrikultura, agrarian reform at pag-ugnay sa iba pang mga ahensiya na makatutugon sa kanilang pangangailangan.

Pangunahing hiling ng mga residente ang magkaroon ng tubig na maiinom at magagamit sa kanilang araw-araw na pangangailangan.

“Sobrang hirap, lalo kung tag-init yung mga residente pupunta pa sa ibang barangay para doon kumuha ng tubig, maligo at maglaba, umigib ng tubig para lang makaraos sa pangangailangan araw-araw,” pahayag ni Marissa Copas Quides, kapitan ng brgy. Francia.

“Dito sa amin, wala kaming sapat na tubig. Ang tubig namin sa balon, pag mainit natutuyo.” dagdag ni Palcon.

Sa tulong ng Department of Interior and Local Government (DILG) – Albay, nagkaisa ang mga opisyal ng barangay sa pagbuo ng plano at proyekto na tutugon sa pangangailan ng kanilang barangay, sa pamamagitan ng Retooled Community Support Program (RCSP).

Layunin ng RCSP na mabigyang tugon ng  pamahalaan ang mga isyu at pangangailangan na tinukoy ng mga komunidad upang makamit ang pag-unlad at kapayapaan.(PIA5/Albay)

About the Author

Sally Altea

Writer

Region 5

"He provides. Everything is in His hands."

Information Center Manager of the Philippine Information Agency - Albay

 

Feedback / Comment

Get in touch