BASCO, Batanes (PIA) -- Nanawagan kamakailan si Batanes Governor Marilou H. Cayco na bilhin ang mahigit dalawampu na toneladang bawang na ani ng mga magsasaka sa probinsiya dahil ito ay sobra-sobra sa volume na kayang konsumohin ng mga mamamayan dito.
Ang dalawampu't lima na metric ton ng bawang ay galing sa bayan ng Itbayat na siyang pinaka malaking producer ng bawang sa buong Batanes.
Ayon kay Provincial Agriculturist, Cesar Hostallero, kinonsolidate ng Provincial Government ang mga bawang at sa kasalukuyan ang karamihan nito ay nakalagak sa NFA warehouse sa Itbayat, ang iba naman ay naipadala na at kasalukuyan ng nasa warehouse ng Provincial Agriculture Office dito sa bayan ng Basco.
Aniya, na simulan na ng kanilang opisina ang pagbebenta ng mga bawang dito sa probinsya at naka-display din ang mga ito sa Provincial Public Market upang matugunan muna ang pangangailangan ng mga mamamayan.
At dahil nga sa sobra-sobrang suplay ay nakipag-ugnayan na rin sila sa mga institutional buyers at retailers sa labas ng lalawigan. Sinabi din ni Hostallero na ang Agribusiness and Marketing Assistance ng Department of Agriculture Region 2 at Central Office ay tumutulong din upang mai-ugnay ang mga bawang sa merkado.
Sa kasalukuyan binebenta ang bawang dito sa probinsya ng 120 pesos kada kilo at ayon kay Hostallero ang tinatalang magiging presyo nito kung ipapadala sa labas ng Batanes ay 150 pesos. (JKC/CEB/PIA BATANES)