LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Nakitaan ng paglabag ang dalawang establisyimento na nagbebenta ng mga produktong walang tatak ng kasiguruhan ng kaligtasan kung kaya inisyuhan ng Notice of Violation ng Provincial Monitoring and Enforcement Team ng Department of Trade and Industry (DTI) Oriental Mindoro sa 37 establisyimento na kanilang ininspeksiyon sa mga bayan ng Bansud at Bongabong kamakailan.
Isinagawa ng DTI-OrMin ang sorpresang inspeksiyon sa mga establisyimento sa nasabing mga bayan para masiguro na sumusunod sa mga alituntunin at panuntunan ang mga merkado sa mga produktong dapat may mga tatak ng kasiguruhan at ligtas gamitin ang mga ito ng mga mamimili.
Dalawa sa 37 establisyimento ay nabigyan ng Notice of Violation dahil sa pagbebenta ng 177 piraso ng LED na bombilya sa Bansud at 99 na piraso ng electric fan sa bayan ng Bongabong na nakitaan na walang Philippine Standard (PS) Mark o Import Commodity Clearance (ICC) Stickers bilang indikasyon na ang mga nasabing produkto ay pumasa sa pagsusuri ng kaligtasan at kalidad ng Bureau of Philippines Standards (BPS).