No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

P23B ilalaan para sa pangangalagang pangkalusugan sa buong bansa

LUNGSOD QUEZON (PIA) -- Naglaan ang Department of Budget and Management (DBM) ng mahigit P23 bilyon sa ilalim ng panukalang 2023 national budget para mapahusay ang iba't ibang pasilidad at serbisyong pangkalusugan sa buong bansa.

Ang malaking halaga ng pondo ay para suportahan ang Health Facilities Enhancement Program (HFEP) na naaayon sa pangako ng administrasyong Marcos sa pagbibigay ng dekalidad at abot-kayang pangangalagang pangkalusugan para sa lahat ng Pilipino. Ang programa ay naglalayon ding magdala ng wastong pangangalagang pangkalusugan sa mga rehiyon at kanayunan.

Ang P23 bilyong pondo ay gagamitin para sa pagbili ng mga kagamitang medikal gayundin sa pagtatayo, rehabilitasyon, at pag-upgrade ng iba't ibang pasilidad ng kalusugan sa buong bansa, tulad ng barangay health stations (P2 bilyon), rural health units (P5.6 bilyon), polyclinics (P80 milyon), LGU hospitals (P2.7 billion), DOH hospitals (11.2 billion), at iba pang health facilities (P1.3 billion).

"Dapat tayong maging handa para sa anumang hindi pa naganap na sitwasyon at mga emergency sa kalusugan. Ang pandemya ng COVID-19 ay naglalarawan ng ating pangangailangan para sa isang malakas na sistema ng pangangalagang pangkalusugan at ito ay patuloy na magiging prayoridad sa badyet," ayon kay Amenah Pangandaman, sa kalihim ng DBM.

Sa pangkalahatan, ang sektor ng kalusugan ay tatanggap ng malaking alokasyon ng badyet na P296 bilyon sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program (NEP).

Samantala, maglalaan din ng mga pondo ang pamahalaan upang palakasin ang pagbibigay suporta sa mga manggagawa sa pangangalagang pangkalusugan, pananaliksik at pagpapaunlad, at pagtiyak ng abot-kaya at inklusibong pangangalagang pangkalusugan. (PIA-NCR)

About the Author

Alice Sicat

Information Officer IV

NCR

Assistant Regional Director of PIA-NCR

Feedback / Comment

Get in touch