No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

DOST Pagasa: mag-ingat ang publiko sa pagdaan ng Super Typhoon Karding

LUNGSOD QUEZON (PIA) -- Manatili sa mga tahanan o kaya sa evacuation center kung kailangan ang payo ng DOST Pagasa sa mga kababayan sa Hilaga, Gitna at Katimugang Luzon na mayroong babala ng bagyo dahil sa Super Typhoon.

Sa briefing ng DOST Pagasa, sinabi nI Senior Weather Specialist Chris Perez na magdamag babagtasin ng Super Typhoon Karding ang Luzon at bukas ng umaga inaasahang makakalabas ng kalupaan sa dako ng Masinloc, Zambales kung hindi magbabago ang pagkilos nito.

Umaasa si Perez na nakapaghanda na ang mga kababayang posibleng maapektuhan makaraang ang ilang araw na pagbabalita hinggil sa Bagyong Karding.

Kahit hindi nakapaloob sa cone of probability o yung nasa labas ng mala-apang lapad ng bagyo (tingnan ang imahe ng DOST-Pagasa sa itaas dulong kanan), kailangan pa ring mag-ingat ang mga katabing lalawigan sa pagdaan ng Super Typhoon.

Isang halimbawa ay ang pagtumba ng puno sa isang kalsada sa bayan ng Jomalig, Quezon. (Hango sa FB post ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon.)

Ang lalawigan ng Quezon ang unang dinaanan ng Super Typhoon Karding: mula sa dako ng Polilio Islands inaasahang dadako na sa General Nakar-Dingalan area anumang oras ngayong gabi.

Noong sabado, nagpulong ang pamahalaang panlalawigan ng Quezon kasama kanilang mga tauhan at maraming paghahanda ang nagawa bago pa tumama sa lupa ang bagyo ngayong Linggo ng hapon. (Masdan ang mga larawan sa ibaba mula sa Pamahalaang panlalawigan at ng mga lokal na pamahalaan ng Alabat at Jomalig.)

Una rito, sinabi ni Weather Services Division Chief Jun Galang na may 50-100 milimetrong ulan ang ibabagsak nitong Bagyong Karding kada oras.

Ang pagbuhos ng ulan nang higit sa 40 milimetro kada oras ay napakalakas na ayon kay Deputy Administrator for Research and Development Esperanza Cayanan.

Subalit hind maikukumpara sa Bagyong Ondoy ng 2009 ang Super Typhoon Karding.

Ayon kay Administrator Vicente Malano, pahinto-hinto at kalat-kalat ang kaulapan na nagpapaulan sa Ondoy hindi tulad ng Super Typhoon Karding na inaasahang magdidiretso sa bilis na tinatayang 20 kilometro bawat oras pakanlurang direksyon.

Mabagyo rin sa eye-wall o gilid ng mata ng Super Typhoon Karding na lalong luminaw sa kanyang paglapit sa lupa.

Samantala, walang pasok ngayon Lunes sa mga tanggapan ng pamahalaan at pampublikong paaralan mula sa Region 1 hanggan sa Kabikulan (Region I, II, CAR, Sentral Luzon, NCR, Calabarzon, Mimaropa at Bikol o Region V) maliban lang sa mga ahensiyang may kinalaman sa disaster risk reduction and management batay sa pag-apruba ng Pangulong Bongbong Marcos sa rekumendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Gayumpaman, ipinauubaya ng NDRRMC sa pangasiwaan ng mga kumpanya at paaralan sa pribadong sektor ang pagdedesisyon sa suspensyon ng pasok.  

Sa kabilang dako, bago pa lumapit sa dakong katimugan Luzon ang Bagyong Karding, tinataya ng Mines and Geoscience Bureau (MGB) na may 9,133 na barangay na posibleng maapektuhan ng baha at landslide sa mga lugar na madadaanan at mahahagip ng super typhoon.

Batay ito sa Rainfall Accumulation for Rain-Induced landslide and Flood ngayong araw ng Linggo na saklaw ang mga petsa ng ika-25 hanggang ika-28 ng Setyembre.

Matandaang sinabi ng DOST Pagasa na maaring makalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa ika-28 ng Setyembre araw ng Martes. (LP)

Mga pangyayari sa Quezon Province bago at habang nagdaraan ang Super Typhoon Karding: nakamonitor sina Quezon Governor Helen Tan at mga opisyal ng PDRRMO sa mga pangyayari sa lalawigan (larawan sa dulong kanan); Maaga ang deployment ng isang contingent ng responders sa REINA areas (dulong kaliwa sa itaas); Kuha sa pulong ng MDRRMC sa Alabat (gitnang larawan sa ibabaw); Mga rumespondeng pulis sa Jomalig kung saan nagbagsakan ang ilang mga puno sa kalsada (dulong kaliwa, ilalim); at mga relief goods na ipinahanda ng pamahalaan panlalawigan ng Quezon. Ang mga larawan ay mula sa FB post ng Pamahalaang Lalawigan ng Quezon at Pamahalaang Bayan ng Alabat at Jomalig.

About the Author

Lyndon Plantilla

Writer

Central Office

Feedback / Comment

Get in touch