No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Gov. Socrates, tiniyak na may sapat na relief goods para sa apektado ng Karding

Upang matiyak na sapat ang imbak na relief goods ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa mga posibleng maapektuhan ng Super Typhoon Karding, personal na tinungo ni Governor Victorino Dennis M. Socrates (naka-jacket ng itim) ang Headquarters ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO), Lunes, Setyembre 26, 2022. Kasama rin nito sa larawan si PRDDM Officer Jerry Y. Alili. (Larawan sa itaas at ibaba ay mula kay Gov. Victorino Dennis M. Socrates)

PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Tiniyak ni Gobernador Victorino Dennis M. Socrates na may sapat na imbak ng relief goods ang Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa mga posibleng maapektuhan ng Super Typhoon Karding, kung kaya’t personal na tinungo nito ang Headquarters ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) ngayong Setyembre 26, 2022.

Inalam ng gobernador ang kahandaan ng pamahalaang panlalawigan pagdating sa suplay ng mga food at non-food items sakaling kailanganin ang mga ito.

Ipinaliwanag naman ni PDRRM Officer Jeremias Y. Alili sa gobernador na agaran silang nagsagawa ng inventory ng mga ng mga food at non-food items kasabay ng pag-activate sa Provincial Government Emergency Operations Center (EOC) ng Setyembre 25.

Bukod sa food at non-food items, inalerto na rin ng pamahalaang panlalawigan ang dalawang unit ng Provincial Rescue Team nito, at mga heavy equipment para sa mga kakailanganing responde sa norte at sur ng lalawigan.

Kasabay ng pagtungo ng gobernador sa headquarters ng PDRRMO ay binisita na rin nito ang Emergency Operations Center (EOC) ng pamahalaang panlalawigan na nasa Bgy. Irawan, Lungsod ng Puerto Princesa upang tingnan at alamin ang kasalukuyang sitwasyon ng mga mamamayan sa mga bayan sa lalawigan na nakaranas ng matinding pag-ulan bunsod ng Super Typhoon Karding na nanalasa sa ilang bahagi ng Luzon.

Nais masiguro ng gobernador na ligtas at nasa maayos na kalagayan ang kaniyang mga nasasakupan sa mga munisipyong sumailalim sa Orange at Yellow Rainfall Warning o lubhang nakaranas ng matinding buhos ng ulan.

Ikina-panatag ng kalooban ng punong ehekutibo ang ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) na walang naitalang pagguho ng lupa o pagbaha sa Palawan, at wala ring pinsalang iniwan ang bagyo.

Sa EOC o Command Center nakaantabay ang iba't-ibang ahensya ng pamahalaan na siyang bumubuo ng PDRRMC upang i-monitor ang kalagayan ng lahat ng lugar na nasa ilalim ng heavy rainfall warning ng PAGASA dahil sa Super Typhoon Karding. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch