No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Halos 300 rolling cargos naistranded sa Calapan dahil sa bagyong ‘Karding’

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Set. 26 (PIA) – Umabot sa halos 300 rolling cargos o mga sasakyang lululan ng mga Roll On-Roll Off (RoRo) vessels patungong Batangas Port ang naitala ng City Public Safety Department (CPSD) na nai-stranded sa lungsod na ito dahil sa bagyong Karding.

Sa ulat ni CPSD Chief Nelson ‘Choy’ Aboboto, mula ng ilabas ng PAGASA noong 5:00 ng hapon ng Setyembre 24 ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) Bulletin No. 10 na itinaas na sa hilagang bahagi ng lalawigan mula Puerto Galera hanggang sa lungsod na ito ang Signal No. 1 ay agad kinansela ang mga biyahe ng barko kaya ipinatupad ng CPSD ang pagkakaroon ng holding area sa mga sasakyan sa bahagi ng Sta. Isabel Km.5 junction na kung saan umabot ng 50 ang mga naistranded bandang 7:30 ng gabi na mabilis din nadagdagan dakong 8:30 na umabot na sa 85.

Ang pila ng iba’t-ibang sasakyan sa kahabaan ng Strong Republic Nautical Hi-way sa lungsod ng Calapan dahil sa kanselasyon ng biyahe ng mga sasakyang pandagat sanhi ng bagyong Karding na tumama sa bansa kamakailan. (kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)

Mas lalo pang dumami ang bilang ng mga naantalang sasakyan sa nasabing kalsada na kinabibilangan ng mga hauling cargo truck, may kargang mga prutas at gulay at mga pribadong sasakyan sa ikalawang araw habang binabagtas ng bagyo ang gitnang Luzon na kung saan ay malawak ang naging pinsala nito partikular sa lalawigan ng Quezon, Nueva Ecija, Bulacan at Pampanga na may lakas na hangin na umabot sa 195km/hr malapit sa gitna at bugso na 240km/hr na tumatakbo patungong kanluran sa bilis na 20km/hr.

Agad din kumilos ang lokal na pamahalaan ng lungsod, pamahalaang panlalawigan at pribadong sektor upang maghatid ng mga pagkain at maiinom sa mga pasahero ng mga sasakyang nakapila.

Namahagi ng mga pagkain ang samahan ng nasa pribadong sektor tulad ng Rotary Club (kaliwang larawan) sakay ng isang mobile patrol at ang pamahalaang panlalawigan (kanan) sa 756 na pasahero ng mga rolling cargos. (Kuhang larawan ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin/PIO-OrMin)


Sinabi pa ni Aboboto, “Sa kabuuan, umabot sa 278 na sasakyan ang naistranded na halos apat na kilometro ang pila na sumakop din sa apat na barangay lulan ang 756 na mga pasahero sa loob ng 36 na oras.”

Bumalik sa normal ang biyahe ng mga barko matapos alisin ng PAGASA ang signal warning sa buong lalawigan dakong 5:00 ngayong umaga. (DN/PIA-OrMin)

About the Author

Dennis Nebrejo

Writer

Region 4B

Public Information Assistant

Philippine Information Agency

2nd Flr. George Teng Bldg., JP Rizal St., cor. Gozar St., Brgy. Camilmil Calapan City

Email : dennis.nebrejo@pia.gov.ph

Feedback / Comment

Get in touch