No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

13 munisipalidad sa MIMAROPA, nakamit na ang higit 100 porsyento na vaccination rate

Ang isinagawang Launching ng PINASLAKAS Campaign sa Lungsod ng Calapan, Oriental Mindoro noong Hulyo. (Larawan mula Oriental Mindoro PIO)

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Ayon sa pinakahuling datos ng Department of Health (DOH) Mimaropa hinggil sa vaccination coverage sa rehiyon, nasa 13 bayan na mula sa iba’t-ibang lalawigan ng rehiyon ang nakapagkamit ng 100 porsyento at higit pa na coverage rate ng fully vaccinated na indibidwal sa target na general population sa kani-kanilang mga nasasakupan.

Narito ang talaan ng mga bayan na nakapagkamit ng 100 porsyento at higit pa na vaccination rate para sa general population:

ProvinceMunicipalityFully Vaccinated
Occidental MindoroLubang101.50%
Oriental MindoroCalapan City117.30%
MarinduqueBoac101.64%

Santa Cruz100.96%
RomblonBanton106.55%

Concepcion111.95%

Odiongan110.44%

Romblon101.65%

San Agustin113.11%

San Jose106.99%

Santa Fe112.56%
PalawanCagayancillo115.27%

Kalayaan199%


Samantala, siyam (9) na bayan naman ang nakapagtala ng 100 porsyento at higit pa na fully vaccinated  para sa mga Senior Citizens o tinatawag na A2 population. Ito ay ang mga bayan ng Sta. Cruz sa Marinduque; Calapan City; Concepcion, Ferrol, San Agustin, Santa Fe, Looc sa Romblon; Lubang sa Occidental Mindoro; at Cagayancillo sa Palawan.

Patunay lamang ito nang puspusan na pagsusulong ng adbokasiya ng pinagsamang pwersa ng tanggapan ng DOH at mga Provincial Health Offices (PHO) hinggil sa kahalagahan ng pagkakaroon ng bakuna o proteksyon kontra Covid-19. Bukod sa mga nakagawian na vaccination sites kung saan maaaring magpunta ang mga indibidwal na nais magpabakuna, personal na ring pinupuntahan ng mga kawani ang mga mamamayan sa mga malalayo at liblib na lugar upang ibahagi ang kahalagahan ng pagkakaroon ng full vaccination sa pagkamit ng tinatawag na “herd immunity”.

Kung mayroong mga namamayagpag sa bakunahan, mayroon din nahuhuli.  Sa pinakahuling DOH vaccination dashboard, may 20 pang munisipalidad ang hindi nakakasampa sa 70 porsyento ang fully-vaccinated coverage.  Labinglima (15) ay nasa Palawan, may tig-isa sa Romblon at Occidental Mindoro, at tatlo sa Oriental Mindoro.

Ang pagkakaroon ng “herd immunity” ay isa sa mga pangunahing programa ng Marcos administration sa ilalim ng “PINASLAKAS” campaign. Ang PinasLakas ay isa sa mga bagong pangunahing programa ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. na naglalayong mas paigtingin at palakasin ang kampanya hinggil sa pagpapabakuna ng mga mamamayan sa loob ng 100 araw ng kaniyang panunungkulan bilang Presidente, partikular ang pagkakaroon ng booster shots kontra Covid-19. Hango ang naturang programa na "Resbakuna" ng nakaraang administrasyon.

Inaasahan na sa mga susunod pa na araw ay mas tataas ang bilang ng mga mababakunahan dahil sa ilulunsad na Bakunahang Bayan: Special Vaccination Days na sabay-sabay gaganapin sa bansa.  (JJGS/ PIA MIMAROPA)

About the Author

Juanito Joshua Sugay

Information Officer II

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch