MAKILALA, Lalawigan ng Cotabato (PIA) -- Ininspeksyon ng pamahalaang panlalawigan ng Cotabato ang mga bagong health facility na ipinatayo sa iba’t ibang barangay sa bayan ng Makilala upang masiguro na dekalidad ang pagkakagawa nito, maging ang serbisyong inihahatid sa publiko.
Ang mga benepisyaryong barangay ay ang Katipunan, Jose Rizal, Libertad, Concepcion, Taluntalunan, Buenavida, Buhay, Malasila, New Israel, at Rodero.
Nitong Miyerkules, pinangunahan ni Governor Emmylou Mendoza ang inspeksyon sa ilang benepisyaryong barangay.
Ito ay dahil sa ang dekalidad na imprastraktura at abot-kamay na serbisyong medikal ay ilan lamang sa mga programang isinusulong ng kasalukuyang administrasyon kalakip sa 12-point agenda ng pamahalaang panlalawigan.
Ani Mendoza, bilang benepisyaryong probinsya, mahalagang mamonitor nang maayos ang implementasyon ng programang mula sa Department of Health.
Matatandaang pinondohan ng DOH ang pagpapatayo ng mga bagong barangay health station sa pamamagitan ng Health Facilities Enhancement Program o HFEP. Nabatid na bawat pasilidad ay may pondong P1.7 milyon para sa gusali at P350,000 naman para sa mga kagamitan na kailangan ng pasilidad.
Samantala, sa kanyang pagbisita, pinaalalahanan ni Mendoza ang mga benepisyaryong barangay na gamitin sa tama at ingatan ang proyektong ipinagkaloob ng pamahalaan. Muli rin niyang pinasalamatan ang DOH sa suportang ibinibigay nito sa probinsya upang maisulong ang malusog at maunlad na komunidad. (With reports from IDCD-PGO)