No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

3 SMARTT floating cottages, pinasinayaan at binuksan na sa publiko

Dahil sa ganda ng floating cottage ay marami ang mawiwili sa sumakay dito at maaring magdala ng pagkain habang binabaybay ang lawa ng Caluangan at ang mga karatig ilog. Matatagpuan ang lugar nito sa Brgy. Tawagan sa lungsod ng Calapan. (Larawan kuha ni Marie Cris De Jaro)

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Matapos pasinayaan ay sabay ng binuksan kamakailan sa publiko ang tatlong floating cottages bilang bagong atraksiyon na binuo ng samahan mula sa iba’t-ibang pribadong sektor na kung tawagin ay Samahan ng Masisipag na Residente ng Tawagan para sa Turismo (SMARTT) na matatagpuan sa bahagi ng Caluangan Lake, Barangay Tawagan sa lungsod na ito.

Ang naturang proyekto ay matagal ng pangarap ni Barangay Captain Nick Mañibo na anya, “Siguradong dadayuhin ito ng mga turista na bumibisita sa ating lungsod dahil kakaibang sarap ang kanilang mararanasan lalo pa’t matatagpuan din dito ang iba’t-ibang uri ng yamang dagat, ilog at lawa.”

Malaki din anya ang posibilidad na madagdagan pa ang mga balsa dahil nakita ito ng mga kawani ng Department of Labor and Employment (DOLE) na magaganda ang disenyo at matibay na gawa na kung saan ay nakahanda pang tumulong ang ahensiya na maglaan pa ng pondo para dito dahil sila din ang nagkaloob ng puhunan sa mga naunang tatlong balsa.


Dahil sa lapad at tibay nito, kayang maglulan ng isang floating cottage ng 30 katao at maari din magdala ng sariling pagkain habang binabaybay ang Caluangan Lake at mga dadaanang mga ilog sa paligid nito.

Samantala, nakiisa din si Calapan City Vice Mayor Bim Ignacio at City Tourism Officer, Christian Gaud sa pagpapasinaya ng mga floating cottages. Ayon sa bise alkalde, malaki anya ang potensiyal nito sa paglago ng kabuhayang pang turismo sa lungsod lalo na sa mga banyaga na mahilig mamasyal sa mga lugar na may magagandang tanawin ng kalikasan at karagdagang kabuhayan din anya ito para sa mga residente ng nasabing barangay. (DN/PIA-OrMin/Marie Cris De Jaro)

Ang bawat isang balsa ay maaring magsakay ng 30 katao katulad ng nasa larawan habang dinadama ang magandang kalikasan sa paligid gayundin na masayang pinagmamasdan ang mga yamang dagat at dinadaanang mga ilog sa paligid ng lawa. (Larawan kuha ni Marie Cris De Jaro)

About the Author

Dennis Nebrejo

Writer

Region 4B

Public Information Assistant

Philippine Information Agency

2nd Flr. George Teng Bldg., JP Rizal St., cor. Gozar St., Brgy. Camilmil Calapan City

Email : dennis.nebrejo@pia.gov.ph

Feedback / Comment

Get in touch