No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Regional Organic Agriculture Congress, isinagawa sa Batangas

LUNGSOD NG BATANGAS (PIA)—Isinagawa ng Department of Agriculture (DA) ang Regional Organic Agriculture Congress sa Regina R. Mandanas Memorial Dreamzone, Capitol Compound sa lungsod na ito noong ika-20 ng Setyembre.

Nagsilbing host sa taong ito ang lalawigan ng Batangas kung saan dinaluhan naman ito ng mga kinatawan mula sa municipal,city at provincial agriculture offices at iba pang stakeholders mula sa iba’t-ibang bayan at lungsod sa Rehiyon ng Calabarzon.

Ayon kay Eda Fidel-Dimapilis, focal person ng Regional Organic Agriculture, layon ng Kagawaran na mas mapabuti at mapaunlad ang Organikong Argikultura hindi lamang sa lalawigan ng Batangas kundi maging sa buong Pilipinas,

“Ang mga produktong mula sa organikong agrikultura ay mas maganda at Mabuti para sa kalusugan dahil hindi ito ginamitan ng mga artificial na pataba at puro organikong pamamaraan lamang na nakakatulong din sa pangangalaga ng kapaligiran at kalikasan,” ani Dimapilis.

Sa mensahe ni Provincial Agriculturist Dr. Rodrigo Bautista, sinabi nito na patuloy na pinapalakas ng lalawigan ng Batangas ang mga programang pang-agrikultura pangunahin na ang organikong paraan ng pagsasaka  dahil maraming paraan upang ito ay maisakatuparan lalo na at maraming raw materials ang available sa lalawigan.

Nagkaroon din ng mga booths ang iba’-ibang samahan na nagsasagawa ng organic agriculture kung saan itinampok ang iba’t-ibang mga produktong organiko tulad ng gulay, prutas, bigas at mga iba pang produktong gawa mula sa organikong materyales.

Nagbahagi rin ang bawat Provincial Agriculture’s Office mula  sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon ng estado ng organikong agrikultura sa kanilang mga probinsya.

Sa huli ay nagkaroon ng oathtaking ng mga elected Organic Agriculture Officers, presentasyon ng Farmer’s Resolution at open forum sa mga lumahok sa aktibidad. (MDC/PIA BATANGAS)



About the Author

Mamerta De Castro

Writer

Region 4A

Information Officer III at PIA-Batangas

Feedback / Comment

Get in touch