PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Nailagay na ang marker ng pagkilala ng Caseledan Spanish Port sa Bayan ng Linapacan bilang Pambansang Yamang Pangkalinangan.
Ang marker ng pagkilala ay mula mismo sa Pambansang Museo ng Pilipinas na nagsasad ng ‘Hinggil sa natatangi nitong kahalagahan sa pangkalinangan ng sambayanang Pilipino, ang tanggulang itinayo noong panahong espaňol sa Linapacan, Palawan ay ipinapahayag bilang Pambansang Yamang Pangkalinangan’ na may petsang ika-27 ng Hunyo 2019.
Pinangunahan naman ni Linapacan Mayor Emil Neri ang unveiling ng nasabing marker nitong Nobyembre 8.
Ayon sa facebook post ni Mayor Neri, ang marker na ito ay magpapaalaala sa naging bahagi ng Caseledan Spanish Fort sa kasaysayan ng Pilipinas sa ilalim ng mga Kastila.
Ayon pa sa impormasyong ibinahagi ni Mayor Neri, ang nasabing Kuta o Tanggulan ay matatagpuan sa Bgy. Maroyogroyog. Itinayo ito noong 1683 hanggang 1690 sa patnubay ni Frayle Juan de San Severo, isang Augustinian, kasabay ng mga kutang itinayo sa Cuyo, Agutaya, at Culion.
At sa isang panulat naman aniya ni Gobernador Heneral Fernando Valdés Tamón noong 1738, inilalarawan nito na walang regular na hugis ang kuta at matatagpuan sa sentro ng nito ang isang simbahan.
Ito rin ang naging tanggulan ng mga Augustinian Recollect Friars. Dito rin tumira ang mga taga-Linapacan noong 1700 sa kasagsagan ng pananalakay ng mga piratang Moro.
Ipinabatid din ni Mayor Neri na nagpadala ng mensahe ang pamunuan ng National Museum sa naging unvieling ceremony ng marker.