No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Paragua San Vic Surfing Competition, muling isasagawa sa Enero 2023

Sa press conference nitong Nobyembre 9, 2022, inihayag ni United Tourism Enterprise Association (UNITEA) President Tonino Habana na magkakaroon ulit ng Paragua San Vic Surfing Competition sa Enero 2023. (Larawan ni Orlan C. Jabagat) (Larawan sa itaas ay mula kay Seved Borda III)

PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Puspusan ngayon ang paghahanda ng Pamahalaang Lokal ng Bayan ng San Vicente sa pakikipagtulungan ng United Tourism Enterprise Association (UNITEA) sa gaganaping Paragua San Vic Surfing Competition sa Enero 2023.

Sa press conference nitong Nobyembre 09, 2022, sinabi ni UNITEA President Tonino Habaga na gaganapin ang surfing competition sa Bgy. Alimanguan sa Enero 18-22, 2023. Aniya, unang naisagawa ang Paragua San Vic Surfing Competition noong 2020 kung saan idineklara ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan ang Bayan ng San Vicente bilang Surfing Capital ng lalawigan.

Natigil ito noong 2021, maging ngayong 2022 dahil sa pandemya na dulot ng COVID-19. Sa Enero 2023, ito na aniya ang ikalawang pagkakataon na maisagawa ang nasabing kompetisyon kung saan ito ay bukas para sa lahat ng surfers na nais lumahok.

Dagdag na paliwanag ni Habana na ang surfing competition ay naglalayon na maisama ang sports na ito sa mga tourist attraction sa lalawigan ng Palawan at mahikayat pa ang mga Palaweño surfers na lalo pang pag-igihin ang kanilang abilidad upang magkaroon ang mga ito oportunidad na sumabak sa mga national at international competition.

Ani Habana, para sa development ng turismo sa Palawan, ang surfing ang isa sa magiging atraksiyon dito. Nandiyan na aniya ang Puerto Princesa Underground River, ang nagagadahang mga isla ng Coron at El Nido at magiging karagdagang atraksiyon aniya itong surfing.

Marami na rin aniyang mga tourist town ang naging maunlad dahil sa surfing tulad ng Siargao, Baler at La Union.

Mayroon namang apat na kategorya ang Paragua San Vic Surfing Competition kung saan ang mga magwawagi ay pagkakalooban ng sumusunod na premyo base sa kategoryang lalahukan: Men's Shortboard Open- P50,000.00; Men's Longboard Open- P40,000.00; Women's Longboard Open- P25,000.00; Junior's Longboard Open- P20,000.00.

Ang lahat din ng magwawaging partisipante ay makakatanggap ng round trip ticket mula Maynila patungong San Vicente sa pamamagitan ng Sunlight Air at gift certificate mula sa Hotel Elizabeth.

Ang Paragua Coastown ng MegaWorld Corporation ang major sponsor ng nasabing competition.

Siniguro naman ng LGU San Vicente na handa ang kanilang munisipyo sa posibleng pagdagsa ng mga turista sa lugar maging ang health protocol na dapat sundin, ayon kay San Vicente Tourism Officer Lucy Panagsagan sa isinagawang press conference.  

Maliban dito, bahagi rin ng aktibidad ang idinaos na surfing competition ngayong buwan ng Nobyembre sa Nagtabon Beach sa Puerto Princesa City at ang surfing competition sa Disyembre na gaganapin naman sa Duli Beach sa El Nido, Palawan.

Sa mga nais lumahok at sa iba pang detalye ng kompetisyon, maaaring bisitahin ang kanilang facebook page na: https://www.facebook.com/sanvicsurf. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch