GENERAL SANTOS CITY (PIA) -- Nagbabala muli ang Bureau of Fire Protection (BFP) Gensan laban sa paggamit sa mga ilegal na paputok na ipinagbabawal pa ring ibenta at gamitin lalo na ngayong malapit na ang pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.
Ayon kay BFP Gensan Public Information Services chief SFO1 Oliver John Alfeche sa programang i-EXPLAIN mo, ang mga bawal na firecrackers ay watusi, piccolo, pop pop, five-star triangle, pla-pla, lolo thunder, giant bawang, giant whistle bomb, atomic bomb, super lolo, goodbye bading, boga, kwiton, kabasi, large-size Judas belt, goodbye Philippines, goodbye Delima, hello Columbia, goodbye Napoles, mother rockets, pillbox, coke-in-can, at super Yolanda.
Kung sakali namang gumamit ng ibang paputok o pailaw katulad ng "kuwitis" o sparklers, kinakailangan aniya na 100 metro ang layo nito sa komunidad at huwag na rin magtabi ng mga firecracker sa loob ng bahay kung matagal pa itong gagamitin upang maiwasan ang ano mang disgrasya dulot ng mga ito.
Hindi pa rin inirerekomenda ng BFP ang mga flying lanterns at ang pagpulot ng mga hindi pumutok na firecrackers dahil maaari itong pumutok sa kamay. Dagdag ni Alfeche, mas mainam pa rin ang mag-ingay na lang gamit ang mga kaldero at iba pang ligtas na bagay. (Harlem Jude Ferolino, PIA-SarGen)