LUNGSOD NG BATANGAS(PIA)—Sinimulan na sa lalawigan ng Batangas ang 18-Day Campaign to End Violence Against Women (VAW) na ginanap sa SM City Batangas Events Center sa lungsod na ito noong ika-25 ng Nobyembre,
May temang “United for A VAW-Free Philippines”, naging tampok dito ang iba’t-ibang aktibidad kabilang ang “Walk A mile in her Shoe” parade kung saan nakibahagi ang mga kalalakihan na miyembro ng MOVE o Men Opposing Violence Everywhere at iba pa tulad ng mga miyembro ng Philippine National Police sa pagsusuot ng mga sapatos o sandalyas na pambabae bilang simbolo ng pagkilala sa sakripisyo ng mga kababaihan at patuloy na pagtataguyod sa kanilang karapatan at kapakanan.
Nagkaroon din ng isang forum na pinangunahan ni Atty. Donna Christine Banuelos, GAD focal point member mula sa Philippine Ports Authority Batangas na tumatalakay sa pagsasaayos ng mga panuntunan ukol sa Referral Systems.
Sa mensahe ni DSWD Undersecretary Rommel Lopez, isa sa pinakamalaking problemang kinakaharap kaugnay ng VAWC o Violence Against Women and Children ay ang malaking epekto ng internet sa buhay ng bawat isa.
Aniya, malaking bahagi ng ating populasyon ang gumagamit at may access sa internet kaya’t ang mga ito ay nahaharap din sa mga online violence na lumalaganap sa kasalukuyan.
Nagpaalala pa si Lopez na dapat ay hindi abusuhin ang oras sa paggamit ng internet at ibayong pag-iingat upang maiwasan na ma-exploit ang mga sarili dahil napakahirap malampasan nito kung sakaling maranasan.
Samantala, nakibahagi din dito si Batangas Governor Hermilando Mandanas na nagbigay-diin sa equity o pagkilala sa karapatan ng kababaihan.
Aniya, ang mga kababaihan ay dapat minamahal at pinapahalagahan sapagkat ang mga ito ay katuwang ng mga kalalakihan sa ikauunlad ng isang pamilya at ng buong komunidad.
“May angking galing at kakayahan ang mga babae at sa panahon ngayon napakadaming kababaihan ang ating maipagmamalaki na may malalaking kontribusyon sa lipunan, Isang halimbawa na lamang sa Pamahalaang Panlalawigan, madaming mga kababaihan ang namumuno sa ating mga tanggapan tulad ng Provincial Social Welfare and Development Office, Cooperative; Budget: Accounting at iba pa,” ani Mandanas.
Ang aktibidad ay nilahukan ng mga Barangay VAW desk officers, GAD Council Members, Child Development Workers at iba’t-ibang mga ahensya ng pamahalaang lokal at nasyunal. (MDC/PIA Batangas)