No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

BUCOR, planong kumuha ng 400 correction officers para sa IPPF sa 2023

PUERTO PRINCESA, Palawan, (PIA) -- Planong kumuha ng 400 correction officers ang Bureau of Corrections para sa Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) sa susunod na taon. Ito ang sinabi ni Correction Chief Inspector Gary A. Garcia, ang bagong talagang Officer In-Charge ng IPPF sa kaniyang courtesy call sa Sangguniang Panlungsod ng Puerto Princesa noong Disyembre 5, 2022.

 Aniya, kamakailan lang ay dumating sa IPPF si OIC-Director General Gregorio Catapang at kaniyang sinabi na kukuha sila ng tig-100 aplikante na inendorso ng Pamahalaang Panlungsod at Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan at 200 mula naman sa Iwahig.

“Malaking bagay ito para sa mga graduates natin na hanggang sa ngayon ay naghahanap ng trabaho” saad pa niya.

Ayon kay Garcia, itatalaga ang mga magiging bagong tauhan sa sampung ektaryang lupain na pinagtatayuan ngayon ng Super Maximum Compound kaya kailangan nila ng maraming tauhan para maabot rin ang 'ideal ratio' ng isang correction officer sa bawat pitong Person Deprived of Liberty (PDL) dahil umaabot ngayon sa mahigit 2,500 ang mga PDL sa IPPF.

Kailangan lang aniya na nakatapos ng apat na taong pag-aaral ang aplikante, 21-40 taong gulang, may 2nd Level Eligibility o Career Service Professional at maraming iba pa. Tatanggap rin ito ng Salary Grade 10 o katumbas ng P29,000 na basic pay at aabot pa ito sa P37,000 kung kasama ang mga allowances.

Samantala, tiniyak niya rin na hindi magiging sakit ng ulo ng Puerto Princesa ang IPPF at magpopokus aniya sa tatlong mandato ng kanilang tanggapan partikular na ang Security, Reformation at Internal Cleansing. Nangako rin siya na uubusin ang lahat ng kontrabando sa kolonya lalo na ang communication devices. (MCE/PIA MIMAROPA)

About the Author

Michael Escote

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch