LUNGSOD CALOOCAN, (PIA) --Naniniwala ang pamunuan ng Philippine Ports Authority (PPA) na mas mapapabilis ang transaksyon at maiiwasan ang korapsyon kung maitutuloy na ang digitalization na malaking tulong para sa mga gumagamit ng pantalan.
Sa katatapos lamang na Department of Transportation (DoTr) Strategic planning nitong ika-8 ng Disyembre 2022 kasama ang iba't-ibang ahensyang sakop nito, ipinaliwang ni PPA General Manager Jay Santiago ang kahalagahan ng pagpapalawak ng communication infrastructure ng PPA para sa transparency at connectivity ng mga proyekto at transaksyon saan man sa bansa.
"Itong digitalization talaga yung pinakaprayoridad namin ngayon sa PPA para maiwasan na yung mga karaniwang problemang na-eencounter ng mga tao sa pantalan. Kapag naayos na at lahat online na, maiiwasan ang pag-aantay at walang sagabal sa biyahe"
Sa naturang forum, hinikayat ni DoTr Secretary Jaime Bautista ang mga pinuno mula sa aviation, maritime, railway, at land transportation na maging bukas sa suhestyon ng bawat kasapi ng ahensya para sa pagpapayabong ng "Build Better More" na layunin ng ahensya.
“Feel free to raise issues from other sectors, I encourage the Usecs, Asecs, and heads of attached agencies to keep an open mind in the suggestions," ani Bautista.
Ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA) kasama sa 8-point Socioeconomic agenda ng Philippine Development Plan 2023-2028 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagsisigurong may maayos at mabilis na proseso ang gobyerno para sa ikauunlad ng ekonomiya.
"Buhayin natin muli ang ekonomiya sa pamamagitan ng digitalisasyon, malaking hakbang ito para patuloy na pagsasaayos ng serbisyo ng pamahalaan. Kami naman dito sa PPA, nakahanda na para ma-streamline ang bawat transaksyon sa pantalan at maiwasan ang mga third-party operator o fixer," dagdag pa ni Santiago.
Matatandaang naglaan ng P12.47B ang Department of Budget and Management (DBM) para sa nais ng pangulo na digital transformation sa lahat ng transaksyon ng gobyerno. (ppa/pia-ncr)