LUNGSOD NG DAGUPAN (PIA) – Hinikayat ng Commission on Elections (COMELEC) ang publiko na nais magparehistro bilang botante na samantalahin ang pagkakataon na sadyain ang mga intensive satellite registration sites sa lungsod para makapagparehistro.
Ayon kay Atty. Michael Franks Sarmiento, election officer ng Dagupan City, ang mga kwalipikadong indibidwal ay maaaring maghain ng kanilang aplikasyon sa mga itinalagang satellite registration sites sa mga barangay at lokal na tanggapan ng Comelec mula Lunes hanggang Sabado, mula alas otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon.
“Samantalahin sana ng ating mga kababayan ang magtungo sa mga intensive satellite registration sites sa mga malls para malapit na ang serbisyo sa kanila at maiwasan po natin ang mahabang pila sa huling araw ng registration,” ani Sarmiento.
Ayon kay Sarmiento, nasa 6,000 ang inaasahang magpaparehistro sa Dagupan habang nagpapatuloy ang voters’ registration na magtatagal hanggang Enero 31, 2023 bilang paghahanda sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) Elections na nakatakda sa Oktubre sa susunod na taon.
Pinapayuhan ni Sarmiento ang mga aplikante na magdala ng mga valid proof of identification tulad ng National ID (PhilSys); pasaporte; lisensya sa pagmamaneho; ID ng kumpanya; ID ng mag-aaral o Library Card; ID ng Senior Citizens; PWD ID; sertipiko ng Indigenous Peoples mula sa National Commission on Indigenous Peoples; barangay certification na may larawan at pirma ng aplikante; o duly notarized affidavit of identification mula sa parehong residente ng barangay.
Ang mga kwalipikadong magparehistro ay dapat na 18 taong gulang pataas, mga Pilipinong residente sa bansa ng hindi bababa sa isang taon, at naninirahan sa lugar kung saan siya magparehistro ng hindi bababa sa anim na buwan bago ang Araw ng Halalan.
Para sa mga boboto sa SK election, ang mga aplikante ay dapat Pilipino, nasa pagitan ng 15 hanggang 30 taong gulang, at naninirahan sa lugar kung saan siya magpaparehistro nang hindi bababa sa anim na buwan bago ang Araw ng Halalan.
Sinabi ng Komisyon na ang application form ay maaaring makuha nang libre sa mga lokal na tanggapan ng Comelec o i-download at i-print mula sa opisyal na website nito.
Samantala, walang registration activities sa Disyembre 24 at 31.
Ani Sarmiento, nakatakda rin magkaroon ng satellite registration sa City Mall sa lungsod na magsisimula sa Enero 23 hanggang 31 upang magkaroon ng mas mainam na venue ang mga huling araw ng voters’ registration. (JCR/AMB/RPM/PIA Pangasinan)