No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Paghahanap sa 7 mangingisda na nawawala sa karagatan ng Bicol nagpapatuloy

LUNGSOD NG LEGAZPI, Albay (PIA) -- Binigyan ng pamahalaang bayan ng Virac, Catanduanes ng P20,000 ang bawat pamilya ng anim na mga mangingisdang nawawala sa laot simula noong December 21, 2022. Nagdagdag naman ng P10,000 na ayuda sa bawat pamilya ang pamahalaang panlalawigan ng Catanduanes.

Sa anim na naiulat na nawawala mula sa bayan ng Virac, tatlo ang kumpirmadong patay na batay sa ulat ng Office of Civil Defense 5.  Magkakahiwalay na natagpuan ang kanilang mga bangkay sa mga baybayin ng lalawigan ng Albay, Sorsogon at Masbate ilang araw matapos silang mawala sa laot.

Kinilala naman ng OCD 5  ang mga namatay na mangingisda na sina Ariel Araojo, 47 taong gulang; Noel Zafe, 58; at Dante David, 41.  Si David ay residente ng barangay Palnab Del Sur, Virac samantalang sina  Araojo at Zafe ay parehong nakatira sa Palnab Del Norte sa naturang bayan.

Si Norman Lim, 34 taong gulang at taga barangay San Roque sa bayan ng Virac ang kumpirmadong nakauwing buhay sa kaniyang pamilya bago pa ang bagong taon. Ayon naman sa MDRRMO Virac, habang isinusulat ang balitang ito, patuloy ang paghahanap sa mga mangingisdang sina Domingo Borilla at Jason Mandasoc na parehong 33 anyos  at parehong nakatira sa barangay San Vicente, Virac.

Nanawagan naman ang MDRRMO ng Virac sa mga residente ng mga lugar na maaring mapuntahan ng mga nawawalang mangingisda na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan o tumawag sa kanilang hotline na 09214256862.

Samantala, anim pa ang mga namatay dahil sa pagkalunod sa ibang bahagi ng Bicol habang nararanasan ng rehiyon ang  shear line nitong Disyembre 2022. Tatlo sa anim ay nalunod sa Camarines Sur, 1 sa Camarines Norte, 1 sa Naga City at 1 sa Sorsogon.

Sa ngayon, patuloy ang paghahanap ng Bantay Dagat at Philippine Coast Guard sa pito pang mga nawawalang mangingisda. Apat sa mga ito ay nagmula sa bayan ng Viga, Catanduanes. Dalawa naman ay galing sa Virac, at ang pangpito ay nagmula sa bayan ng Mercedes sa lalawigan ng Camarines Norte.(PIA 5)


About the Author

Marlon Atun

Writer

Region 5

Feedback / Comment

Get in touch