No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Wastong pamamahala ng basura, panawagan ng CENRO San Jose ngayong Zero Waste Month

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- Nananawagan ang Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) San Jose sa publiko na isabuhay ang tamang pamamahala ng basura.

Ayon kay Efren De Los Reyes, tagapamahala ng CENRO San Jose, ang hindi maayos na pamamahala ng basura ay nagreresulta sa pagbara ng drainage system, pagkalat ng mikrobyo na maaaring pagmulan ng mga sakit, at pagkasira ng kalikasan.

Ayon pa sa opisyal, bagamat pangunahing nakaatang sa barangay at munisipyo ang pamamahala ng basura, kahati sa responsibilidad ang mga mamamayan, at inaasahang gagawa rin ng mga paraan sa wastong pangangasiwa ng basura, tulad ng 3Rs at composting. 

Paliwanag ni De los Reyes, sa pamamagitan ng 3Rs o Reduce, Reuse at Recycle, mababawasan ang nalilikhang basura, at ang iba ay maaari pang iproseso upang magamit muli. Sa composting naman, aniya, ang mga basurang nabubulok ay maaaring gawing pataba sa mga halaman.

Samantala, bukod sa pakikipag-ugnayan sa mga Lokal na Pamahalaan, binigyang-diin ni CENRO De Los Reyes na nagtatalaga rin sila ng mga Environment and Natural Resources (ENR) Ambassadors na mangunguna sa pagtuturo ng pamamaraan sa tamang pamamahala ng basura sa komunidad.

Kabilang sa mga tinukoy ng opisyal na ENR Ambassadors ang mga mag-aaral ng Occidental Mindoro State College, Divine Word College at mga estudyante ng iba't ibang eskwelahan sa San Jose. Pangunahing tungkulin ng mga ambassador ang magtungo sa pamayanan at talakayin kung paano dapat pinamamahalaan ng publiko ang mga basura.

Ang aktibong ugnayan na ito ng CENRO San Jose sa LGU at mga kabataan ay higit na pinaigting kaugnay ng pagdiriwang ng National Zero Waste Month ngayong Enero. (VND/PIA MIMAROPA)


Larawan sa itaas mula sa DENR CENRO San Jose

About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch