No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Balidasyon at pangangalap ng datos ng mga kasapi ng PWD sa lungsod, isinagawa

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Bilang paghahanda sa nakatakdang pamamahagi ng Annual Social Pension sa mga may kapansanan sa lungsod na ito, isinagawa ng tanggapan ng City Social Welfare and Development (CSWD) ang balidasyon at pangangalap ng datos ng mga kasapi na ginanap sa Barangay Sapul covered court kamakailan.

Nasa 214 na PWD galing sa limang barangay mula Sapul, Palhi, Puting Tubig, Bayanan 1 at 2 ang sumailalim sa balidasyon at pagkuha ng mga personal na impormasyon ng mga lehitimong kasapi upang palitan ang mga naunang datos na isinumite na siyang ipapasok sa National Data Base.

Maliban sa mga kasapi, nakipila din ang mga kamag-anak o bantay ng PWD na hindi makalabas ng bahay dahil sa karamdaman kaya sila ang kumatawan para ilahad ang sitwasyon ng kasapi. Marami na rin ang namatay o lumipat ng bayan kaya hindi na nakakadalo sa mga pagpupulong na siyang dahilan para baguhin ang kasalukuyang listahan ng Person with Disabilities Affairs Office (PDAO) na isusumite sa pambansang punong-tanggapan ng mga may kapansanan sa Maynila.

Samantala, sinabi ni PDAO Head Benjamin Agua, Jr. na, “Ilan lamang ang limang barangay na nagsagawa ng ganitong  aktibidad mula sa 62 barangay sa lungsod na pinagsama-sama namin bilang clustered barangay dahil ilan dito ay wala pa sa 20 ang miyembro kung kaya isinama namin sa magkakalapit na barangay para mapabilis ang proseso at matapos ang gawain sa lalong-madaling panahon upang agad na maipamahagi ang 2022 Annual Pension na P1,000 na siyang inisyatibo ng pamahalaang lungsod.”

Sa pagtatapos anya ng taong 2022 ay nasa 2,770 ang rehistradong kasapi ng PWD kaya sa pamamagitan ng pangangalap ng datos ay makikita dito kung sino pa ang mga aktibo. Hinihikayat din ng PDAO ang mga pangulo sa barangay na ugaliing magsagawa ng mga pagpupulong para i-monitor ang mga kasapi at mailahad ang mga programa ng lokal at pambansang pamahalaan ng sa gayo’y malaman ang mga ayuda at benepisyong nakalaan sa bawat kasapi.

Ang Annual Social Pension ng PWD ay iniakda ni City Councilor Marian Teresa Tagupa na siya din namumuno sa komite na sumasakop sa PWD at Senior Citizens sa Sangguniang Panlungsod na isinabatas noong Disyembre 2021 bilang City Ordinance No. 94 series of 2021 na ‘Cash Incentive for Persons with Disability in Calapan City.’ (DN/PIA-OrMin)



Larawan sa itaas: Isinagawa ng City Social Welfare and Development Office ang balidasyon at pagkuha ng impormasyon sa mga may kapansanan sa lungsod na isinagawa sa Brgy. Sapul Covered Court kamakailan bilang paghahanda sa nakatakdang pamamahagi ng Annual Social Pension. (Kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)

About the Author

Dennis Nebrejo

Writer

Region 4B

Public Information Assistant

Philippine Information Agency

2nd Flr. George Teng Bldg., JP Rizal St., cor. Gozar St., Brgy. Camilmil Calapan City

Email : dennis.nebrejo@pia.gov.ph

Feedback / Comment

Get in touch