No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Samahan ng mga magtatanim ng Cacao sa Sablayan, benepisyaryo ng SSF-DTI

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- Pinagkalooban kamakailan ng Department of Trade and Industry (DTI) ng mga kagamitan para sa pagproseso ng cacao ang Laudland Cacao Farmers Association (LCFA) ng bayan ng Sablayan, sa ilalim ng programang Shared Service Facility (SSF).

Ang Shared Service Facility ay flagship program ng DTI na tumutulong sa mga Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) na mapaunlad ang kasanayan sa produksyon at kahusayan sa napiling negosyo sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya. Iginagawad ang programa sa mga MSMEs na may lehitimo at tumatakbong negosyo.

Sinabi ni Nornita Guerrero, OIC Provincial Director ng DTI OccMdo, na nagsimulang umalalay ang DTI sa mga nagtatanim ng cacao sa Sablayan, tatlong taon na ang nakalipas. Natigil lamang ito dahil sa pagtama ng Bagyong Ursula na nag-iwan ng pinsala sa nabanggit na bayan.

Ayon pa kay Guerrero, sa kasalukuyan ay nagsisimula nang muling bumangon ang mga magtatanim ng cacao sa pangunguna ng LCFA. At aniya, nakahanda ring muli ang DTI na magbigay ng tulong sa samahan, lalo na’t pumasa ang LCFA sa assessment ng Kagawaran.

Kabilang sa ipinagkaloob ng DTI, sa ilalim ng SSF, ay mga kagamitan sa pag-proseso ng cacao na nagkakahalaga ng P2.673 milyon. Saad pa ng tagapamahala ng DTI OccMDo, sumasailalim din ngayon ang mga kasapi ng LCFA sa pagsasanay upang makabuo ng manual of operation, na magsisilbing gabay ng samahan sa kanilang operasyon. Susunod aniya dito ang iba pang mga training na magtataas naman sa kasanayan o skills para sa paggawa gayundin sa kalidad ng kanilang produkto.

Paglagda ni G. Lucien Landicho, Chairman ng Laudland Cacao Farmers Association (LCFA), sa Usufruct Agreement at Memorandum of Agreement ng Department of Trade and Industry (DTI OccMdo) at kanilang samahan bilang benepisyaryo ng Shared Service Facility. (DTI OccMdo)

Nakikita ni Guerrero na marami pang programa ang maaring maibigay ng DTI sa LCFA. Aniya, kakailanganin ng benepisyaryong samahan ng tuloy-tuloy na tulong mula pamahalaan upang hindi lamang sa local market tangkilikin ang mga produkto ng LCFA.

Pangunahing produkto ng LCFA ang tablea at chocolate, at nakikita ng DTI na higit na mapauunlad ng samahan ang kanilang produkto. “Sa pamamagitan ng SSF, inaasahan natin na ang mga tinutulungan nating MSME ay uunlad ang negosyo, lilikha ng mga trabaho at makatutulong sa ekonomiya ng bansa,” ani Guerrero. (VND/PIA MIMAROPA)

About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch